SA GITNA ng panibagong lockdown bunsod ng pagtaas ng mga kaso ng CoVid-19 sa Metro Manila, ilang grupo mula sa private sector ang nagtipon-tipon upang labanan ang nararanasang kagutuman sa Metro Manila.
Ang Lingkud Bayanihan, isang humanitarian food at relief goods distribution campaign na pinangunahan ng Clean Air Philippines Movement Inc. (CAPMI), ay naglunsad ng caravan sa Hospicio de San Jose, isang homeless shelter sa Quiapo, San Miguel, Maynila, na nasundan ng ilang serye ng caravan sa iba pang bahagi ng Maynila, Quezon City at maging sa ibang dako ng Metro Manila upang tugunan ang kagutuman ng mas nangangailangan dahil sa pagkawala ng kanilang hanapbuhay, dulot ng mas mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ).
Kabilang sa nakiisa sa Lingküd Bayanihan caravan ang Philippine Medical Association (PMA), Vegetable Importers Exporters Vendors Association (VIEVA), Confederate Sentinels of God (CSG), Beta
Sigma Fraternity Medical Group, League of Data-privacy and Cybersecurity Advocates of the Philippines, Philippine National Police, lokal na pamahalaan at mga barangay.
“LINGKOD meaning service and BAYANIHAN that also means working together, are two traditions deeply embedded in every Filipino blood. Let us awaken these spirits inside all of us now so we can truly help our suffering people as we fight this common enemy called COVID-19,” saad ni CAPMI president Atty. Leo O. Olarte, MD.
Hiniling niya ang malawakang suporta sa kanilang malinis na hangaring mabigyan ng makakain ang mga nagdarahop at nagugutom na mamamayan ng Metro Manila.
Noong nakaraang 1 Hulyo 2020, nagpahayag si Olarte ng layunin kay Pangulong Rodrigo Duterte na makapag-abot ng tulong ang pribadong sektor ng temporary feeding sa mga kinakapos at nagugutom sanhi ng kawalan ng trabaho dahil sa lockdown.
Samantala, ayon sa presidente ng PMA na si Dr. Benito Atienza, bukas ang PMA Auditorium sa North Avenue, Quezon City upang tumanggap ng donasyon para sa mas nangangailangan at upang maipagpatuloy ang programa ng Lingküd Bayanihan sa buong National Capital Region.
Ayon kay Leah Cruz, VIEVA founding president, maraming magsasaka sa mga lalawigan ang nakipagsanib sa mga vegetable at fruit vendors sa Metro Manila upang mai-deliver sa mga bahay-bahay ang libreng pagkain sa pamamagitan ng Lingküd Bayanihan spirit.
Mahigit 10,000 residente mula sa Tondo at ibang bahagi ng Maynila ang itinuturing na “happy beneficiaries” ng caravan mula 2 Mayo hanggang 9 Mayo.
Ayon kay Alvin Constantino, CSG founder, ilang lugar sa District 6 sa Quezon City ang kanilang binisita at nabigyan ng basic food at relief goods sa mga higit na nangangailangan.
“As we continue to feed the hungry, especially during the re-imposed lockdown in the NCR Plus Bubble, we must always observe our government’s basic health protocol to prevent the further spread of the killer virus,” aniya. (ALMAR DANGUILAN)