HUMULAGPOS nga ba sa diplomasya si Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin, Jr., nang murahin niya sa kanyang “tweet” ang China dahil hanggang sa kasalukuyan, ang mga Chinese vessel ay nakahimpil pa rin sa West Philippine Sea o South China Sea?!
Bilang top diplomat, marami ang nagsasabi na hindi ‘wasto’ ang inasal ni Secretary Locsin. Pero, mas marami ang nagsasabi na, “Go Teddy Boy, go!”
Pinuna si Locsin sa kanyang naging asal — sablay umano para sa isang top diplomat.
Masisisi ba natin si Secretary Locsin kung ‘sumabog’ na siya sa ilegal na pagdaong at pananatili ng Chinese vessels sa West Philippine Sea?
Mahirap nga naman ‘ispelengin’ ‘yung asal ng ‘itinuturing mong kaibigan’ pero binabalahura ang pagkakaibigan ninyo dahil pinasok ang karagatan sa teritoryo ninyo.
Heto ang eksaktong tweet ni Secretray Locsin: “China, my friend, how politely can I put it? Let me see… O… GET THE F–K OUT!”
Pero sa kabila nito, tahimik pa rin si Lolo D. Hanggang ngayon siguro ay nananangan pa rin siya sa ‘gahiblang sinulid’ na pagkakaibigan umano ng China at Filipinas.
At sa pamamagitan ni Spokesperson Secretary Harry Roque, tila ipinasabi ni Pangulong Digong na: “Mr. Secretary Teddy Boy, ako lang ang puwedeng magmura!”
Maraming Pinoy ang natuwa sa ginawa ni Secretary Locsin, pero hindi natuwa ang mga sinabing maalam sa ‘diplomasya.’
Kung baga, nalimutan ni Locsin si Machiavelli o si Sun Tzu, at pinadron pa ang pagmumura ng punong ehekutibo.
Wala nang pinakamasakit sa mundo ng diplomasya na niyuyurakan ang dangal ng iyong lahi pero kailangan mo pa rin magpakatatag at magpakitang giliw o kaplastikan — para mapigil ang ‘agresyon’ ng isang mas malakas na bansa laban sa relatibong mas mahina.
Totoong isa ang inyong lingkod sa nagliyad ng dibdib nang murahin ni Secretary Locsin ang China. Sa wakas may umalma rin sa ginagawa ng China sa ating bansa.
Pero sabi nga, ang mga opisyal ng isang bansa ay hindi dapat maging mapusok — dahil hindi laro o biro ang paglulunsad ng ‘gera’ laban sa iba pang bansa.
Isa siguro ito sa dahilan kung bakit ‘nahimasmasan’ umano si Secretary Teddy Boy kaya humingi ng paumanhin sa China.
Pero sa palagay natin, ginawa ito ni Locsin dahil napagtanto niyang wala siyang makukuhang suporta sa Pangulo ng bansa.
Ngayon, umalagwa nga ba si Secretary Locsin bilang top diplomat?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap