Sunday , December 22 2024

Sputnik V kararating lang pero Quezon province mayroon na noon pa?

SA WAKAS, dumating na ang vaccine mula Russia, ang Sputnik V o Gamaleya, matapos ang dalawang beses na pagkaantala.

Unang inasahan na darating ito noong 22 Abril 2021 pero walang dumating. Hinintay din noong 28 Abril 2021 pero hindi rin natuloy.

Hindi natuloy dahil nagkaproblema sa logistics, ang paglalagyan ng gamot – nangangailangan ng storage na may temperature na -18 degrees Celcius pababa ang Sputnik V.

Nasa 500,000 doses ng Sputnik V ang binili ng gobyerno ang inaasahan sanang darating sa nasabing mga petsa.

Pero naayos na ang lahat – ang paglalagyan, kaya dumating na rin nitong Sabado, 1 Mayo 2021 ang bakuna. Sa 500,000 doses, ang paunang 15,000 doses muna ang dumating.

Limang lungsod sa Metro Manila ang makatatanggap sa nasabing 15,000 doses. Tig-3,000 trial doses ang mga lungsod ng Makati, Taguig, Muntinlupa, Maynila, at Parañaque.

Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, ang mga lungsod pa lamang ang napiling bigyan dahil mayroon silang akmang cold storage facility para pag-imbakan ng Sputnik V vaccine.

Malinaw ang lahat ano, kararating pa lamang ng Sputnik sa bansa…at malinaw din na limang lungsod pa lang ang pagbibigyan ng bakunang “From Russia with Love.”

At mas malinaw na wala pang ipinamimigay ang national government kahit noon pa man. Pero ang Quezon Province mayroon na. Hanep?!

 

Walang nabanggit na Quezon City sa listahan… malinaw hindi po ba? At lalong wala rin nabanggit na Quezon province…o kahit noon pa man.

Pero ‘wag ka! He he he…tinalo talaga ang national government  ng provincial government ng Quezon. Bakit naman? Talo kasi habang nakikipagtransaksiyon pa lamang ang national government para sa Sputnik, hayun tinalo sila ng Quezon provincial government.

Nitong 14 Abril 2021, mayroon na umanong Sputnik V ang Quezon province. Ha! Paanong nangyari iyon? Well, hindi ako ang may sabi nito na mayroon na ha?

Sa viral interview kay Quezon Province Governor Danilo Suarez, noong 14 Abril 2021 pa ay mayroon na raw silang Sputnik.

Ano!? Samantalang 15 Abril 2021 nang magkasundo ang Gamaleya at ang gobyernong Filipino para sa Sputnik.

Galing talaga ng inisyatiba ni Gov. Suarez, naunahan pa niya ang national government. Hayun, malinaw pa nga sa listahan na sa kararating na 15,000 doses ay hindi kasali ang Quezon Province…Quezon City nga, wala e.

So, saan galing ang Sputnik ni Gov. Suarez? Secret ba governor? Galing mo talaga Gov. Suarez, dapat ikaw na ang maging vaccine czar natin dahil mabilis ang inyong pag-acquire sa mga bakuna. He he he…

Kung sa bagay, ang sabi ni Gov. Suarez sa  isang interview, Nobyembre 2019 pa lamang daw ay pinaghandaan na niya ang kampanya laban sa CoVid-19. Galing talaga ni Gov. Suarez pero bakit tila taliwas ang nangyari? Bakit?

Sa kabila ng paghahanda, inamin ni Gov. Suarez sa interview na tumaas ang mga kaso ng CoVid-19 sa lalawigan. O, paano nangyari iyon kung may Sputnik naman na ang Quezon province? Kayo naman, hindi ba malinaw na kahit na naturukan na ng bakuna ang isang indibidwal ay maaari pa rin mahawaan ng ‘veerus.’

Hayun, sa pangangalandakan ni Suarez na may Sputnik na sa kanyang lugar, masyadong malikot  ang pag-iisip ng ilang mamamayan ng lalawigan.

Kesyo, binansagan daw nilang “Danny Sputnik” si Gov. Suarez. Totoo ba ito? Alam n’yo naman ang mga Pinoy, diyan mahilig sa kung ano-anong pagbabansag.

Pero, ‘wag naman, kabait nga ni Gov. Suarez, naunahan niya pa ang national government para sa inyo tapos babansagan niyong Danny Sputnik?

‘Wag naman.

E sa pagkakaalam ko naman, matagal nang may sputnik sa bansa, oo ang dami niyan sa kulungan, nariyan din ang OXO, Batang City Jail, etc.

Hindi kaya iyon ang ibig sabihin ni Gov. Suarez? Hindi naman siguro dahil seryosohang usapan ang interbyu sa kanya. Nagulat nga rin ang mga nag-interbyu nang sabihin ni Suarez na may Sputnik na ang lalawigan.

Ano pa man, para hindi pag-isipan na papogi lang ang naging estilo ni Suarez sa pagsasabing mayroon na silang “Sputnik V” mula Russia, marahil magpakita siya ng ebidensiya na mayroon na ang kanyang lalawigan.

Naunahan niya pa ang national government.

Ayos, e ‘di dapat mababa na ang porsiyento ng CoVid-19 cases sa lalawigan?

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

 

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *