NAPASLANG ang dalawang hinihinalang tulak habang arestado ang 52 suspek sa droga, 41 wanted persons at 13 sugarol sa sabay-sabay na anti-criminality law enforcement operations (SACLEO) na inilatag ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 1 Mayo.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang mga namatay sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa Brgy. San Juan, Balagtas at Brgy. Tabing-ilog Marilao, na ikinasa ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Balagtas at Marilao Municipal Police Station na sina Michael Halili, at Raffy Concepcion.
Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang mga piraso ng ebidensiyang mga basyo, bala at baril, 19 plastic sachets ng hinihinalang shabu, at buy bust money.
Gayondin, nadakip ang 52 suspek sa droga sa serye ng anti-illegal drug raids ng Stations Drug Enforcement Unit (SDEU) ng city/municipal police stations ng Angat, Balagtas, Baliwag Bulakan, Calumpit, DRT, Hagonoy, Malolos, Marilao, Meycauayan, Obando, Pandi, Paombong, Plaridel, Pulilan, San Ildefonso, San Miguel, San Rafael, San Jose Del Monte, at Santa Maria.
Nasamsam sa ikinasang drug sting ang may kabuuang 172 selyadong plastic sachets ng hinihinalang shabu, iba’t ibang drug paraphernalia, at buy bust money.
Samantala, isinilbi ang warrants of arrest ng tracker team ng mga city at municipal police stations ng Balagtas, Baliwag, Bocaue, Bulakan, Bustos, Calumpit, Doña Remedios Trinidad, Guiguinto, Hagonoy, Meycauayan, Obando, Pandi, Paombong, Plaridel, Pulilan, San Miguel, San Jose Del Monte, Santa Maria, at First at Second Provincial Mobile Force Company (PMFC), laban sa 41 kataong pinaghahanap ng batas sa iba’t ibang manhunt operations.
Bukod dito, timbog din ang 13 sugarol sa iba’t ibang anti-illegal gambling operations ng Pandi, San Jose Del Monte, Santa Maria Police Stations at Bulacan 2nd PMFC. (MICKA BAUTISTA)