MAHIGIT isang taon na mula nang manalasa sa buong mundo ang CoVid-19 pero hanggang ngayon halos nasa ‘grade school’ pa lang ang antas ng pagtugon ng ating bansa sa naturang krisis kompara sa mistulang high school at college level na pag-aksiyon ng ibang bansa upang labanan ang pandemya.
Ito mismo ang sinabi ni dating Speaker Alan Cayetano sa isang pulong balitaan sa Taguig. Hindi nga naman maitatanggi na mistulang stuck’up pa rin tayo sa basic protocols upang maiwasan ang hawaan dahil mabagal at pakonti-konti ang pagdating ng bakuna sa ating bansa kasabay ng pagdedeliryo ng ating ekonomiya at ang tunay na nalulugmok ay ang kabuhayan ng maliliit nating mga kababayan.
Ito ang dahilan kung bakit nais ihain ni Cayetano ang resolusyon sa Kamara kasama ang kanyang mga kaalyadong kongresista ng call to action na Back To Service o BTS na naglalayong himayin at imbestigahan kung paano ginastos ng gobyerno ang pondong inilaan para sa Bayanihan 1 and 2. Nais ni Cayetano na gamitin sa pagtalakay ng kongreso sa panukalang Bayanihan 3 ang mga tama o maling hakbang na nangyari sa pagpapatupad ng Bayanihan 1 and 2 na isinabatas sa ilalim ng liderato ni Cayetano bilang Speaker of the House.
Ang sabi nga ni Cayetano, “Kung ano ang tama sa Bayanihan 1 and 2 kailangan sa Bayanihan 3. Kung ano ang mali, dapat i-correct; kung anong hindi inilabas na pondo, dapat sagutin ng gobyerno bakit?”
Isa na nga rito sa tinitingnan ng dating speaker na P4-bilyong pondo ng DepEd sa ilalim ng Bayanihan 2 na dapat sana ay pambili ng mga tablet at laptop para sa mga estudyante na nasa ilalim ng online learning sa ngayon.
Aba, mahigit walong buwan nang naisabatas ang Bayanihan 2 ay wala pa rin ipinamimigay na tablet at laptop ang DepEd. Maski nga (paracetamol) na tablet ay wala rin nailabas. Hak hak hak!
Katanong-tanong talaga kung ano ang mga programang hindi napondohan mula sa P23 bilyones na inilaan sa mga pamilyang Filipino nitong nagdaang NCR plus bubble bago nag-anunsiyo ng ECQ ang palasyo.
Nais tanungin ng grupo kung nagamit ba ang pondong inilaan para sa pagkuha ng 50,000 contact tracers para mapadali ang identification ng mga taong posibleng nahawaan ng CoVid-19?
Kailangan talaga nating malaman kung ano ang mga pagkukulang sa pagpapatuad ng Bayanihan 1 and 2 kung mayroon man upang magsilbing aral sa tatalakaying Bayanihan 3 na mas malaking stimulus package para sa ating mga kababayan.
‘Wag rin nating isipin na walang nangyaring mga anomalya sa sistema dahil ngayon pa lang may mga bulangan na tungkol dito. Pasasaan pa’t lulutang din ang mga ebidensiya tungkol dito sa darating na mga araw. Ang mahalaga ngayon ay matugunan ang pangangailangan ng mga Filipino na nawalan ng trabaho at itinumba sa kahirapan ng CoVid-19.
Sa itinatakbo ng bakunahan sa bansa, malayo-layo pa at mahaba-haba pa ang susuungin na laban ng ating bansa lalo’t ayon kay Cayetano, hindi anti-CoVid response ang 2021 national budget.
Hinikayat ni Cayetano ang gobyerno na maglatag ng distribution plan ng bakuna sa buong bansa upang kalmahin ang isipan ng local government units (LGUs) na walang pondo para ipambili ng bakuna. Talaga nga namang sa panahon ngayon dapat paigtingin ang pagtugon sa problema ng ating bansa dahil sa pandemya.
Sabi nga, extraordinary times calls for extraordinary measures.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap