NASAKOTE ang apat na lalaking sangkot sa iba’t ibang insidente ng krimen sa magkakahiwalay na operasyong inilatag ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 25 Abril.
Sa ulat kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, nadakip ang dalawa sa mga suspek sa magkahiwalay na buy bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Ildefonso at Bulakan Municipal Police Stations.
Kinilala ang mga suspek na sina Jeffrey Reyes ng Brgy. Sumandig, San Ildefonso; at Rodel Macasinag ng Brgy. San Francisco, Bulakan, sa nabanggit na lalawigan.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa dalawa ang pitong selyadong plastic sachets ng hinihinalang shabu at buy bust money.
Dinala ang mga nakompiskang ebidensiya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa pagsusuri. Ang mga suspek na nakakulong na ngayon ay sasampahan ng reklamong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, nadakip ang isang lalaki sa reklamong panggagahasa sa isang 12-anyos dalagita sa Brgy. Bulihan, sa lungsod ng Malolos.
Kinilala ang suspek na si Manuel Cruz, residente sa naturang lugar, kung saan idinulog ang insidente sa barangay na agad umaresto sa suspek at isinuko sa Malolos CPS.
Arestado rin ng mga tauhan ng Pulilan Municipal Police Station ang isang lalaking lumabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children VAWC) na kinilalang si Geraldo Mercado sa Brgy. Poblacion, Pulilan, Bulacan. (MICKA BAUTISTA)