ANG kapalpakan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa pamamalakad ng kanyang pamahalaan ang nagbunsod sa taongbayan para sila na mismo ang tumugon sa kagutumang kanilang nararanasan.
Ang pagsulpot ng community pantry sa iba’t ibang lugar ay malinaw na sagot sa kawalang aksiyon ng kasalukuyang administrasyon sa kahirapang nararanasan ng mamamayan dulot ng pananalasa ng pandemya.
Kung susuriing mabuti, masasabing isang uri ng protesta o pagbalikwas ang pagsulpot ng iba’t ibang community pantry na tila nagpaparamdam na maaaring sa kamay ng mahihirap at api baguhin o palitan ang kasalukuyang gobyerno ni Digong.
Pero mukhang napraning kaagad ang mga kampon ni Digong. Mabilis na inakusahan ni spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang organizers ng bawat community pantry at sinabing may kaugnayan sa grupong komunista o rebeldeng NPA.
Mabilis namang inalmahan ang ganitong mga paratang ng NTF-ELCAC, halos sabay-sabay na kinondena ng mga senador, at nagbantang tatanggalan ng pondo ang ahensiya at isasalang sa isang imbestigasyon sa Senado.
Hindi lamang si Senator Grace Poe ang nagsabing dapat tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC kundi pati si Senator Ping Lacson na nagsisisi na ipinagtanggol niya ang P16.5 bilyong 2021 budget.
Ang red-tagging na ginagawa ng NTF-ELCAC sa pangunguna ni Parlade, ayon kay Poe, ay walang batayan at masasabing isang uri ng harassment at paraan para mapagtakpan ang kapalpakan ng administrasyon ni Digong .
Sabi ni Poe, “ang pagsulpot ng mga community pantry ay isang ‘wake up call’ sa pamahalaan na magtrabaho para tugunan ang problema sa pandemya. Nagpapakita rin ito ng pag-asa at kabutihan meron sa bawat tao.”
Mali naman talaga ang ginagawa ng grupo ni Parlade, sa halip kasing i red-tag niya ang mga organisador ng bawat community pantry, bakit hindi na lamang sila mismo magtayo ng kanilang pantry at ipakitang higit na epektibo ang kanilang pamamahagi ng tulong sa mahihirap.
Mabuti rin magbigay ng mga gulay at iba pang pagkain ang NTF-ELCAC sa mismong community pantry ni Ana Patricia Non, na utak ng inisyatibang ito, at maipakita niya sa mga naroroon na handang tumulong ang gobyerno sa mahihirap nating mga kababayan.
Higit na makakukuha ng simpatya ang gobyerno, sa pamamagitan ng NTF-ELCAC, kung susuportahan nila ang bawat community pantry sa halip na guluhin pa ito na tiyak na magreresulta ng galit ng mahihirap.
SIPAT
ni Mat Vicencio