NASAMSAM ng mga awtoridad ang 10 bloke at limang piraso ng binilot na papel na naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana, may street value na P120,000 mula sa limang hinihinalang tulak sa buy bust at follow-up operations na ikinasa ng Plaridel PNP sa Brgy. Tabang at Brgy. Banga 1st, sa bayan ng Plaridel, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado ng hapon, 24 Abril.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang mga nadakip na suspek na sina Kim Samarita, watchlisted drug personality; Russel de Jesus, alyas Goyong; at Rolando Nicolas, Jr., alyas JR, pawang mga residente sa Tabang, Plaridel; Arvin Lopez, alyas Bin ng Sulucan, Bocaue; at John Paul Estrella, ng Tambubong, Bocaue.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Jesus Manalo, Jr., acting chief of police ng Plaridel Municipal Police Station (MPS), nagawang makabili ng poseur buyer ng maliit na pakete ng marijuana mula sa mga suspek na sina alyas Kim at alyas Goyong na nagresulta sa kanilang pagkaaresto at pagkakompiska ng walong bloke at limang piraso ng binilot na papel na naglalaman ng dahon ng marijuana, at buy bust money.
Sa karagdagang imbestigasyon, lumitaw na ang mga naarestong suspek ay may iba pang transaksiyon na nagresulta sa follow-up operation ng mga operatiba at pagkaaresto kina alyas Bin, alyas JR, at alyas John Paul hanggang nasamsam ang dalawang bloke ng marijuana at cash money na halagang P5,000.
Dinala ang mga narekober na ebidensiya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa eksaminasyon samantalang inihahanda na ang mga kaukulang kaso na isasampa sa korte laban sa mga suspek.
(MICKA BAUTISTA)