SOBRANG nalungkot at nanghinayang si Kim Rodriguez sa biglang pagyao ni Victor Wood.
Ani Kim, ”Nakalulungkot at sobrang nanghihinayang ako kasi ni hindi ko man lang siya nakita o nakilala nang nagsu-shooting kami ng ‘Jukebox King The Life Story of Victor Wood’.
“Ni minsan kasi ‘di nakapasyal si sir Victor sa shooting na nandoon ako and if may interview siya about sa movie, roon siya ini-interview sa bahay niya, kaya wala talagang chance na ma-meet ko siya in person.”
Kuwento pa ni Kim, kinalakihan niya ang mga awitin ni Victor Wood dahil paborito ito ng kanyang lola na tuwing umaga nagpapatugtog ng mga awitin nito.
“Naalala ko noong bata ako laging pinatutugtog ng lola ko ‘yung mga song ni sir Victor, kaya kinalakihan ko na ‘yung mga awitin niya.
“Kaya noong nalaman ko na makakasama ako sa pelikula tungkol sa buhay niya na-excite ako at sinabi ko sa sarili ko na sa wakas makikilala ko na siya at maikukuwento ko na paborito siya ng lola ko at kinalakihan ko ‘yung musika niya.
“Kaya nga sobra talaga akong nalungkot kasi ‘di ko siya na-meet at hindi man lamang niya napanood ‘yung movie tungkol sa buhay niya.”
Kahit wala na si Victor Wood, mananatiling nakatatak sa isipan ni Kim ang magagandang musika nito at hindi magsasawang paulit-ulit na pakikinggan katulad ng kanyang lola at ng iba pang mga Filipino na minahal ang kanyang musika.
MATABIL
ni John Fontanilla