PATAY ang isang hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo habang arestado ang anim na lumabag sa batas kabilang ang tatlong most wanted persons (MWP) sa iba’t ibang police operations na ikinasa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang Linggo ng umaga, 25 Abril.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, ang napatay na suspek ay kinilalang si Maynard Consunto, residente sa Prenza 1, sa bayan ng Marilao, sa nabanggit na lalawigan.
Batay sa ulat mula kay P/Lt. Col. Leandro Gutierrez, acting chief of police ng Marilao Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Brgy. Patubig, sa naturang bayan.
Sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad ay nasabat nila ang suspek ngunit imbes huminto at sumuko ay nanlaban hanggang magkaroon ng shootout sa magkabilang panig na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng kalibre .38 revolver na kargado ng bala, limang sachet ng hinihinalang shabu, at ang motorsiklong ninakaw ng suspek.
Samantala, sa buy bust operations na ikinasa ng mga operatiba ng Hagonoy Municipal Police Station (MPS), nagresulta sa pagkakadakip kay Alejandro Villamil, alyas Anjo, at Joanas Aguas, kapwa mga residente sa Brgy. Palapat, bayan ng Hagonoy, nakompiskahan ng limang sachet ng hinihinalang shabu at buy bust money.
Nadakip ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Chiristian Jay Valenzuela sa kasong acts of lasciviousness sa kanilang pagresponde sa insidente ng krimen sa lungsod ng Malolos.
Arestado rin ang tatlo pang suspek na pinaghahanap ng batas ng tracker teams ng Malolos CPS at San Jose Del Monte CPS kasama ang 2nd PMFC, PHPT Bulacan, 301st MC RMFB3, at Pulilan MPS sa pakikipag-ugnayan ng Los Baños MPS, Nagcarlan MPS, at tracker team ng RIDMB-4A.
Kinilala ang mga nadakip na sina Zyric Karikitan, No. 5 MWP ng PRO-4A (Regional Level), residente sa Brgy. Dulong Malabon, bayan ng Pulilan, dahil sa kasong rape; Noel Samonte ng Brgy. San Martin, San Jose del Monte, sa apat na bilang ng kasong paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence against Women and their Children); at Mary Jane Manahan ng Brgy. Santiago, Malolos, sa kasong estafa.
(MICKA BAUTISTA)