ni ROSE NOVENARIO
MISTULANG binagsakan ng langit at lupa ang Pa-Iwi partners at Microfinance investors ng DV Boer Farm nang mabistong nawalang parang bula ang multi-bilyong pisong inilagak nila sa agribusiness ni Soliman Villamin, Jr., a.k.a. Dexter Villamin.
Ang DV Boer Microfinance ay itinatag ni Villamin upang magbigay ang subfarms ng kontribusyon mula sa kinita sa Pa-Iwi investors para sa ‘emergency urposes.’
Tumanggap din ng kontribusyon ang DV Boer Microfinance mula sa OFWs at pinangakuan silang kikita ng 33% kaya’t lomobo sa P700 milyon ang kabuuang kontribusyon.
Natanso muli ni Villamin ang kanyang investors nang bumili siya ng babuyan sa halagang P100 milyon.
Inilahad sa blogspot na dvboerscam.com na ipinagyabang ni Villamin na binili niya ang piggery sa Calatagan, Batangas sa halagang P100 milyon ngunit wala siyang maipakitang ebidensiya kahit sa kanyang social media account kung saan ang lokasyon ng babuyan.
“DV claims to have achieved another milestone when he bought a P100-million piggery in Calatagan, Batangas. However, do you see any pictures or drone shots of the said piggery in his social media? Do you have a picture in your head about how big this piggery is?”
Nang unang itayo umano ni Villamin ang Magsasaka Inc., ang unang kinuha niya upang mamuno ay ang kaanak na isang Jose Ariel Mendoza, nagtrabaho bilang appraiser ng collateral ng mga nagnanais na mangutang sa Bank of the Philippine Islands.
Kabisado umano ni Mendoza ang pasikot-sikot sa pagtasa sa halaga ng mga aria-arian kaya siya ang napisil ni Villamin.
Bago umano binili ni Villamin ang piggery sa Calatagan ay ipinagbibili ito ng may-ari ng Lago de Oro sa halagang P65 milyon ngunit walang kumagat sa napakataas na presyo nito.
Pero laking gulat ng lahat nang bilhin ito ni Villamin sa halagang P100 milyon at ang ginamit umano ay pondo ng DV Boer Microfinance.
Ang unang tumutol sa kakaiba at paluging procurement ay si Mendoza at nang isiwalat umano niya kay Villamin ang tunay na halaga ng babuyan ay P50 milyon lamang, nagalit pa sa kanya at sinabihan siyang “sinisira mo ang diskarte ko e.”
Mula noon ay lagi na umanong hinihiya ni Villamin si Mendoza sa publiko kaya’t nagbitiw na lamang siya bilang pinuno ng Magsasaka, Inc.
May ulat na nahirapan makahanap ng trabaho si Mendoza dahil nasira ang reputasyon niya nang magkaroon ng kaugnayan sa DV Boer.
Pinagtawanan umano si Villamin ng mga taga-Calatagan dahil ang akala nila’y naloko siya ng bilhin ang P100 milyong halaga ng babuyan.
Walang muwang ang mga tao sa Calatagan na pera ng ibang tao ang ipinambili ni Villamin sa babuyan at kumita pa nga siya ng malaking komisyon.
“People from Calatagan are laughing at DV for buying an overpriced piggery, what they did not know is that DV used other people’s money to buy the said piggery and kept a large commission for himself. Diablo. Baboy. Diablong baboy. Yup, that’s Dexter Villamin,” sabi sa blogspot.
May ulat na maging ang kanyang DV Boer Farm sa Lian, Batangas na ginasgas niya para palabasin na matagumpay siyang “agripreneur” ay hindi pa umano niya buong nababayaran.
Ang dating masiglang DV Boer Farm sa Lian ay mistula na umanong ghost town ngayon mula nang maisapubliko ang paghahabol ng investors kay Villamin at maharap sa mga kasong syndicated estafa sa iba’t ibang parte ng bansa.
(May Karugtong)