ISINAILALIM sa hard lockdown ang isang rehabilitation center sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan makaraan ang mga residenteng kabataan at mga tauhan sa pasilidad ay nasuring positibo sa CoVid-19.
Ayon sa ulat, may 80 children in conflict with the law (CICL), siyam na social worker, at anim na jail guard sa Bahay Tanglaw Pag-asa ang tinamaan ng malubhang viral disease.
Sa pahayag ng Bulacan Provincial Health Office, nakuha ng mga kabataan mula sa isang provincial social welfare development office staff, na nahawaan matapos dumalo sa isang birthday party noong Marso.
Matapos nito, nakaramdam ang mga miyembro ng pasilidad ng sintomas ng CoVid-19, tulad ng lagnat at ubo.
Natapos ang 14-araw na quarantine ng mga nahawaang kabataan at mga tauhan sa pasilidad ngunit pinahaba pa ito ng health office sa 21 araw upang matiyak na ang mga pasyente ay maayos na ang kalagayan mula sa virus.
Mula 20 Abril, iniulat ng Department of Health (DOH) na may kabuuang 34,885 kaso ng CoVid-19 sa Bulacan, kabilang ang 6,053 aktibong kaso, 661 ang namatay, at 28,171 ang nakarekober.
(MICKA BAUTISTA)