NAGPASAKLOLO sa abogado ang Grab delivery rider sa viral video na ‘lugaw is not essential’ at ang may-ari ng lugawan sa Brgy. Muzon, lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Marvin Ignacio, delivery rider, ilang beses na siyang nakaranas ng harassment mula sa mga tanod sa bayan ng nabanggit na barangay.
Wala pa aniya ang viral video ay palagi nang dumaraan sa Lugaw Pilipinas ang mga bantay bayan at pinagsisigawan silang mga Grab rider at tinatakot rin ang mga staff ng lugawan.
Mayroon umano siyang natanggap na mensahe ng pagbabanta sa kanyang Facebook messenger na labis niyang ikinabahala.
Natatakot aniya siya para sa kanyang buhay gayon din sa kanyang pamilya dahil alam ng mga opisyal ng barangay kung saan sila nakatira.
Dahil sa nangyari, naghanap sila ng ibang maaaring tirahan at upang makapagpatuloy ng trabaho.
Dasal ni Ignacio, hindi pamarisan ang ginawa sa kanila ng mga opisyal ng barangay kaya napagdesisyonan nilang magsasampa ng kaso.
Ayon kay Mary Jane Resurrecion, may-ari ng Lugaw Pilipinas, nakaranas din sila ng harassment mula sa mga tauhan ng Brgy. Muzon, dahilan kung bakit napilitan na lamang silang magsara.
Kuwento ni Resurreccion, simula noong isang taon ay lagi silang pinupuntahan ng mga tauhan ng barangay at tinatakot ang kanyang mga tauhan gayondin ang mga Grab rider.
Nagkaroon umano sila ng pulong sa DILG pero ang sinasabi ay sa barangay sila magreklamo na mahirap para kay Mary Jane dahil mismong ang barangay sa pamumuno ni Kapitan Mar Gatchalian ang kanilang inirereklamo.
Sabi ni Atty. John Michael Tipon, pinag-aaralan na nila ang paghahain ng kaukulang reklamo sa piskalya laban sa pamunuan ng Barangay Muzon.
Naunang nag-viral ang Facebook post ni Ignacio matapos sabihin ng mga tauhan ng naturang barangay na hindi maaari dahil ang ide-deliver niyang lugaw ay hindi naman ‘essential.’
Samantala, sinabi ng inireklamong kapitan ng barangay, pag-aaralan muna ng kanilang abogado ang reklamo bago ito sagutin.
(MICKA BAUTISTA)