PATAY ang dalawang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot samantala isa ang nadakip sa magkasunod na buy bust operations na ikinasa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang Martes ng madaling araw, 20 Abril.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang mga napaslang na suspek na sina Danilo Paiste at Raffy Reyes, kapwa mga residente sa Brgy. Lambakin, bayan ng Marilao, sa nabanggit na lalawigan.
Batay sa ulat, ikinasa ang buy bust operation laban kina Paiste at Aniag ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Marilao Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Lambakin dakong 12:02 am kahapon.
Sa gitna ng operasyon, nakatunog ang mga suspek na police officer ang katransaksiyon nila sa ilegal na droga pero imbes sumuko, bumunot ng kanilang mga baril at pinaputukan ang mga operatiba.
Sa pagkakataong ito, napilitang gumanti ang mga alagad ng batas at sa ilang minutong palitan ng putok, bangkay na itinanghal ang dalawang suspek.
Sa pagpoproseso ng Bulacan Scene of the Crime Operatives (SOCO) Team sa pinangyarihan ng insidente, nakuha ang mga basyo, bala, at caliber .38 Smith and Wesson na walang serial number, dalawang plastic sachet ng marijuana fruiting tops, dalawang aluminum foil, improvised tooter, 20 plastic sachets ng hinihinalang shabu; itim na coin purse, dalawang P100 bill, isang kulay abong coin purse, timbangan, tatlong P20 bill, isang P50 bill, iba’t ibang ID, isang gold-plated na singsing, isang relo, wallet, dalawang portable weighing scale, at buy bust money.
Samantala, sa isang buy bust operation na inilatag kamakalawa ng SDEU ng Malolos City Police Station (CPS) sa Brgy. Sumapang Matanda, sa lungsod ng Malolos, nadakip ang supsek na kinilalang si Melvin Sarreal, residente sa Brgy. Palimbang, bayan ng Calumpit, sa nabanggit na lalawigan.
Nakuha sa kanyang pag-iingat ang limang selyadong plastic sachets ng hinihinalang shabu gayondin ang ginamit sa operasyon na buy bust money.
(MICKA BAUTISTA)