NAKOMPISKA ang 1,710 kilo ng bangus na nagmula sa lalawigan ng Bulacan na ipinuslit sa lungsod ng Dagupan, lalawigan ng Pangasinan at sinubukang ikalat at ibenta sa mga pamilihan.
Ipinuslit ang mga bangus sa Sitio Calamiong, Brgy. Bonuan Gueset, sa naturang lungsod upang hindi mahuli ng mga empleyado ng City Agriculture Office at market marshals.
Nabatid na plano itong isakay sa mga bangka upang dalhin sa Magsaysay Fish Market at palabasing nagmula sa fish ponds sa Dagupan, kung saan tanyag ang mga de-kalidad na bangus.
Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad, napag-alamang wala itong kaukulang papeles kagaya ng auxiliary invoice at local transport permit.
Kinilala ang nasa likod ng mga kontrabando na si Fernando Salamat, na unang nagpakilala bilang Ricky Martin, 39 anyos, isang fish dealer ng Little Chesril General Merchandise na pag-aari ni Larry Perez ng Purok II, Brgy. Sta. Cruz, sa bayan ng Hagonoy, lalawigan ng Bulacan.
Ipamamahagi ang mga nakompiskang bangus sa Dagupan City Jail — Bureau of Jail Management and Penology, Abong na Panangaro, at sa Drug Treatment and Rehabilitation Center.
(MICKA BAUTISTA)