ARESTADO ang isang lalaking sinasabing responsable sa nakawan ng mga motorsiklo sa lalawigan ng Bulacan habang nakatakas ang kaniyang kasabwat na sentro ng pagtugis ngayon ng pulisya sa lalawigan.
Kinilala ang hinihinalang kawatan ng motor na si Relly Rodas, residente sa Sangandaan, lungsod ng Caloocan, na nadakip sa Brgy. Biñang 2nd, sa bayan ng Bocaue, sa nabanggit na lalawigan, nitong Martes, 13 Abril.
Sa ulat mula sa Bocaue Municipal Police Station (MPS), kinuha ng suspek at ng kanyang kasabwat ang motorsiklo ng hindi pinangalanang biktima, isang Yamaha Mio Sporty 115cc na nakaparada sa harap ng kanilang bahay saka itinakas patungong bayan ng Marilao.
Agad inulat ng nakasaksi ang insidente hanggang magkatugisan na umabot sa Brgy. Biñang 2nd sa naturang bayan, kung saan nahuli si Rodas sa tulong ng mga barangay tanod, ngunit nakatakas ang kanyang kasabwat.
Nabawi mula sa suspek ang ninakaw niyang motorsiklo ngunit habang iniimbestigahan sa himpilan ng Bocaue MPS at nang kapkapan nakuha sa kanyang coin purse ang tatlong plastic sachets ng hinihinalang shabu, pekeng LTO driver’s license, Samsung E 1205 cellphone, at Lacoste na relo.
Patuloy ang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matukoy kung ang grupong kinabibilangan ng suspek ang responsable sa sunod-sunod na nakawan ng mga motorsiklo sa lalawigan ng Bulacan.
(MICKA BAUTISTA)