NAPASLANG ang isang drug suspect habang arestado ang 20 iba pang drug personalities sa magkakahiwalay na buy bust operations na ikinasa ng mga awtoridad sa lalawigan ng Bulacan, hanggang kahapon, 14 Abril.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang napaslang na suspek na si Espero Dacanay, alyas Nico, iniulat na sangkot sa talamak na pagtutulak ng ilegal na droga.
Batay sa ulat, ikinasa ang buy bust operation laban kay alyas Nico ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Marilao Municipal Police Station (MPS) dakong 10:35 pm kamakalawa, sa Looban 2, Brgy. Loma de Gato, bayan ng Marilao, sa nabanggit na lalawigan.
Matapos ang transaksiyon, nakatunog ang suspek na may mga pulis sa paligid kaya binunot ang baril at habang tumatakbong palayo ay pinapuputukan ang poseur buyer na agad nakakubli.
Dito napilitang gumanti ang back-up team at sa ilang minutong palitan ng putok ay nasapol ang suspek na nagresulta sa agaran niyang pagkamatay.
Samantla, nadakip ang 20 pang drug suspects sa magkakahiwalay na buy bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng municipal/city police stations ng Angat, Bulakan, Marilao, Meycauayan, Obando, at San Rafael.
Nakompiska ng mga awtoridad ang kabuuang 40 plastic sachets ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at buy bust money mula sa mga suspek na nakatakdang sampahan ng kaso sa hukuman.
(MICKA BAUTISTA)