“IPAGPATULOY natin ang ibayong pag-iingat at pagtalima sa batas.”
Ipinahayag ito ni Governor Daniel Fernando kasunod ang mga inilabas na guidelines sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) mula 12-030 Abril 2021, sa lalawigan.
Ayon sa gobernador, ang curfew hours ay simula 8:00 pm hanggang 5:00 am kinabukasan at ang indibidwal na 18 anyos pababa at 65 anyos pataas, gayondin ang may mga banta sa kalusugan, ay kinakailangang manatili sa bahay maliban kung bibili o kukuha ng essential goods at serbisyo.
Sa ilalim ng MECQ, pinapayagan ang mga individual outdoor exercise (walking, jogging, running, biking) kung nasa tabi ng bahay o nasa loob ng barangay.
Mananatiling operasyonal ang mga pampublikong transportasyon sa loob ng kasalukuyang kapasidad at protocols na ipinatutupad ng DOTr.
Limitado ang mga restaurant sa outdoor o al fresco dining (50% kapasidad), take-out, at delivery lamang.
Pinapayagan ang 50% operational capacity sa lahat ng mga pribadong establisimiyento at industriya na hindi pinayagang mag-operate noong ECQ, maliban sa entertainment, leisure, tourism, sports, at personal care services.
Ang pag-uumpukan sa labas ng bahay ay ipinagbabawal at ang mga religious gatherings ay limitado sa 10% capacity sa lugar.
Mahigpit na ipinatutupad ang liquor ban sa buong lalawigan hanggang 30 Abril at sapilitan ang utos sa pagpagsusuot ng facemask, face shield, at wastong social distancing.
Ayon kay Bulacan Police Director P/Col. Lawrence Cajipe, titiyakin ng pulisya sa lalawigan at iba pang law enforcement units ang pagsunod ng publiko sa mga nasabing guidelines para sa kanilang kaligtasan.
(MICKA BAUTISTA)