Friday , November 15 2024

Panahon na para ibasura ang senior high!

NAPAPANAHON na nga bang ibasura ang pabigat na grade 11 at 12 sa bansa? Ano sa tingin ninyo? Panahon na ba o dapat noon pa?

Sinasabi, at kaya ipinagpilitan pa rin ang grade 11 at 12 kahit maraming magulang ang tutol dito, na maaari nang makapasok ng trabaho sa malalaking kompanya/pang-opisina ang nakatapos ng grade 11 at 12. Talaga?! Sinungaling na gobyerno!

Anyway, totoo naman na maaari nang makapagtrabaho ang nakatapos na ng grade 11 at 12 “senior high school” pero hindi ang trabahong inaasahang posisyon na “office work” tulad ng ipinangalandakan noon ng gobyernong Aquino na siyang nag-aproba sa senior high school.

At sa halip, ang posisyon pa rin na puwedeng pasukin o makukuha sa pagtatapos ng senior high ay tagapagtimpla pa rin ng kape ng amo o lahat ng kawani sa isang kompanya. Kung baga, utusan o maintenance.

Hindi ko po minamaliit ang mga janitor/janitress o maintenance natin – isang marangal na trabaho rin po ito.

Ang punto ko lang dito ang senior high ay ikinokonsidera pa rin kasi ng mga employer bilang high school grad.

Sino ba naman ang kompanyang tatanggap ng senior high at bibigyan ng maganda-gandang posisyon. Posisyon na para talaga sa college graduate. Walang kompanya na gagawa nang ganoon. Siyempre, mas gugustuhin pa rin nila ang college grad lalo na kung board passer o matataas ang marka sa credentials niya.

Kaya, isang kasinungalingan ang pinagsasabi ng nakaraang administrasyon para sa mga nakatapos na ng senior high. Hayun, para manahimik ang mga magulang na nagrereklamo at tumutuligsa nito, napilitan maglabas ng subsidy ang pamahalaan – P20,000 bawat estudyante na papasok sa senior high. Pakonsuwelo kung baga.

Marami nang nakapagtapos ng senior high pero, ni isa ay wala pang napabalitang nakapasok sa isang kompanya para sa isang maganda-gandang posisyon. Oo, tama wala pa, kasi, ang senior high ay maikokonsidera pa ring high school grad o college undergrad.

Inuulit ko, kasinungalingan ang lahat na pinagsasabi ng nakaraang administrasyon hinggil sa pakinabang sa senior high.

Simula nang mapatunayan na kasinungalingan ang lahat at walang mapapala sa senior high bukod sa malaking pagkaantala ito sa mga batang magkokolehiyo na sana, marami nang tumutol dito at hinihiling na ibasura na ito at sa halip ay ibalik na sa dati – hanggang fourth year high school na lang. Sayang nga naman ang dalawang taon.

Pero ang gobyerno ay taingang kawali lang sa reklamo/panawagan, maging ang kasalukuyang administrasyon. Ewan ko nga kung bakit ipinagpatuloy ng Duterte admin ang palpak na senior high ng Aquino admin.

Ngayong panahon ng pandemya, nararapat nang ibasura ang pabigat na senior high. Hindi lang pabigat kung hindi malaking abala sa pagkokolehiyo. Panahon nang ibasura dahil sa bagong sistema ng klase o pag-aaral ngayon – ang online class o module style.

Kita naman natin ang situwasyon ng mga estudyante ngayon – sa pamamagitan ng online/module learning ay hirap ang lahat. Hindi lang ang estudyante kung hindi maging ang mga guro. Kung sa face-to-face nga ay hirap ang magkabilang sektor, lalo pa kaya ngayong blended learning. Ibang-iba kasi ang face-to-face.

Sa situwasyon ngayon, kahit may bakuna, hindi pa maseguro kung kailan maibabalik ang face-to-face learning. Katunayan, ayon sa source sa DepEd – A1 info ito, ipinahahanda na sa mga guro ang para sa tatlong taong modules. Ibig sabihin, talagang matagal-tagal pa bago bumalik ang face-to-face.

Magpapatuloy ang module type class o online class na kakaunti lang ang nalalaman ng mga estudyante – oo, nakapapasa lang sila dahil sa memorandum na walang ibabagsak para sa taong ito. E malamang ganyan din sa mga susunod pang tatlong taon. Meaning magtatapos nang kulang sa nalalaman ang mga estudyante.

Kaya, para rin hindi madagdagan ang hirap ng mga mag-aaral ngayong pandemya, nararapat nang ibasura ang senior high. Bukod nga sa walang napapala rito, lalo lang madaragdagan ang kalbaryo ng mag-aaral ngayong panahon ng pandemya. Hirap na nga rin ang mga guro sa mga estilo ng pagtuturo ngayon, e ‘di lalo na ang mga estudyante.

Panahon na para ibasura ang senior high. Sa mga mambabatas natin, gumawa na kayo ng batas para sa pagbasura ngayong pandemya.

Gawing last batch ang magtatapos ngayon sa senior high.

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *