KAHIT pa si Davao City Mayor Inday Sara Duterte o si Sen. Bong Go ang tumakbo bilang presidente sa darating na 2022 elections, matitiyak nating mahihirapang manalo ang dalawa dahil na rin sa kabi-kabilang kapalpakan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Ang usapin sa paglaganap ng pandemya dulot ng CoVid-19 ang tatapos sa presidential bid ng mamanukin ni Digong at ito ang magtatakda kung nararapat bang ihalal ang dalawang nag-aambisyong politiko na maging pangulo ng bayan.
Sa ngayon, baliw lang ang magsasabing matagumpay ang gobyerno ni Digong sa pagharap sa malalang problema sa CoVid-19. Kung ang mga kalapit na bansa ay patuloy sa pagbaba ng bilang ng kaso ng CoVid-19, ang sitwasyon sa Filipinas ay kabaligtaran naman.
Patunay sa kapalpakan ng pamahalaan ang muling pagbabalik ng enhanced community quarantine (ECQ) status sa National Capital Region at mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Ang muling pagpatupad ng ECQ ay malinaw na pag-amin na bigo ang pamahalaan ni Digong sa pagtugon sa problema ng pandemya.
Walang naging maayos at sistematikong pagtugon ang pamahalaan sa CoVid-19 maliban sa magulo at kanya-kanyang mga pahayag ng mga kampon ng Malacañang habang ang bayan ay patuloy na sinasalanta ng pandemya.
At hindi rin maikakaila ni Digong na dahil sa pandemya, ang problema sa kahirapan ay nagpapatuloy at pumapatay sa taongbayan. Walang solusyon sa malaganap na kawalang trabaho, nagtataasang presyo ng bilihin, mataas na singil sa koryente at tubig.
Nasaan na rin ang pangako ni Digong na kanyang tatapusin ang korupsiyon, krimen, at droga sa sandaling maupo bilang pangulo? Matatapos na ang kanyang termino pero wala ni isa man ang natupad sa kanyang mga pangako sa mamamayan.
Kaya nga, kung nag-iilusyon man si Sara at si Go na ipagpapatuloy nila ang maiiwang legacy ni Digong ay kalimutan na lamang nila ito dahil sa galit ng taongbayan, malamang sa pusalian sila damputin sa araw ng eleksiyon.
At isa pa, anong legacy ba ang ipagpapatuloy nila? O kapalpakan ni Digong?!
Mas makabubuti kung maging senatorial candidate na lamang si Sara at mag-concentrate na lang itong si Go sa paggawa ng batas. Huwag nang mangarap pang maging pangulo ang dalawa kahit sabihin pang lahat ng makinarya ay nasa kanila.
Sa ngayon, tanging sina Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno, Senador Manny Pacquiao, Senador Panfilo Lacson, dating Senador Bongbong Marcos, Vice President Leni Robredo, at Senador Grace Poe ang malamang na magbangga sa presidential elections at nasa taongbayan kung sino sa kanila ang ihahalal at karapat-dapat na mamuno sa bayan.
SIPAT
ni Mat Vicencio