MAHIGPIT man ang ipinatutupad na quarantine checkpoint sa lalawigan ng Bulacan, pinilit sumistema ng mga tulak ng ilegal na droga na agad napigilan dahil sa maaagap na pag-aksiyon ng mga pulis.
Nitong Miyerkoles, 24 Marso, nasakote ang tatlong hinihinalang tulak ng mga tauhan ng San Jose del Monte City Police Station (CPS) sa pinaigting na kampanya laban sa droga sa lungsod.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PPO, dinakip ang mga suspek na kinilalang sina Lamberto del Rosario, Jr., alyas Jay-Ar, ng Brgy. Sapang Palay Proper; Cloyd Andulana, ng Teachers Village, Brgy. San Rafael I; at Peter John Pineda, ng Brgy. San Rafael I, pawang sa lungsod ng San Jose del Monte, sa naturang lalawigan.
Naaresto ang tatlong suspek ng mga elemento ng San Jose Del Monte City Police Station (CPS) sa ikinasang anti-illegal drug operation sa Brgy. San Rafael I, sa nabanggit na lungsod.
Nakompiska mula sa kanilang pag-iingat ang siyam na pirasong selyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu,, may timbang na tatlong gramo at street value na P20,400.
(MICKA BAUTISTA)