BUWAGIN ang IATF. Palitan ang mga nagpapatakbo ng IATF.
Iyan ang panawagan at nais mangyari ng ilang magagaling nating mambabatas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Bakit? Kesyo palpak daw. Naging basehan ng kapalpakan sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang paglobo ng bilang ng nahawaan ng CoVid-19 na umabot sa mahigit 8,000 sa loob ng isang araw.
Sa nasabing bilang, mula sa NCR ang pinakamalaking porsiyento ng infected.
Palpak nga ba ang IATF? Wala nga ba talagang nagawa ang task force mula noong nabuo ito noong nakaraang Marso 2020 nang umatake ang coronavirus sa bansa hanggang maging pandemic ito?
In fairness sa TF, hindi naman sila palpak at sa halip ay baka may pagkukulang lang naman. Hindi naman perpekto ang bawat ahensiya ng pamahalaan o maging ang mga pribadong sektor. Lahat iyan ay may pagkukulang.
Hindi sa kinakampihan natin ang pamahalaan partikular ang IATF, pero ang suhestiyon ba na buwagin na lang o palitan ang mga nagpapatakbo nito ay napapanahon?
Napapanahon nga bang buwagin ang IATF o ang IATF nga ba ang may sala sa paglobo ng virus infected? Hindi nagkulang ang ahensiya – laging pinaaalahanan ang publiko. At sa bawat kautusan o alituntunin na inilalabas nila laban sa CoVid ay ibinababa sa local government units (LGUs) na para ipatupad ito.
Hindi naman nagkulang ang karamihan sa LGUs pero may ilang LGUs na mababaw ang kanilang implementasyon sa health protocols na inilabas ng IATF. Naging ningas kugon ang kanilang implementasyon. Kaya ang resulta, dumarami ang infected sa kanila nasasakupan.
Pero ningas kugon man ang implementasyon basta’t ang importante ay pinaaalahanan na nila ang publiko kung paano protektahan ang sarili sa virus maging ang kanilang pamilya, nasa mamamayan na ang lahat kung sumunod sa ipinaiiral na health protocol. Simple nga lang ang pinagagawa sa mamamayan, magsuot ng facemask, face shield, social distancing at maghugas ng kamay at mag-disinfect ay naging mabigat na tungkulin pa sa mamamayan. At dahil sa katigasan ng ulo sa hindi pagsunod, hayun tumaas ang bilang ng infected…at ang resulta, ang IATF na raw ang may kasalanan.
Hayun dahil sa hindi pagsunod ng marami sa simpleng health protocols, IATF na ang itinuturong may sala kaya, pinabubuwag. Tama ba iyon? Mali! Ba’t kaya hindi ang matitigas na ulo ng mamamayan ang batikusin ng mga mambabatas – iyong gumawa sila ng batas na arestohin, ikulong, at maparusahan nang mabigat ang mahuhuling hindi sumusunod sa health protocols? Hindi iyong multa-multa lang o community service ha, kung hindi talagang mabigat na kaparusahan. Ba’t hindi nila gawin ito?
Alam ninyo kung bakit? Takot kasi ang mga politiko na gawin ito o tirahin ng mamamayan dahil mag-eeleksiyon na at siyempre dapat suyuin ang mga botante. Siyempre, mawawalan sila ng boto.
But anyway, sabihin na nating may pagkukulang ang IATF pero, self check po tayo. Simple lang ang ipinagagawa sa ating mga mamamayan. Para hindi magkahawaan ay sumunod lang tayo sa health protocols. Iyon lang po ang hinihinging kontribusyon sa atin ng pamahalaan.
Tandaan sana natin mga kababayan, sa panahon ngayon, ang lahat ay dapat kumilos at magtulungan. Hindi iyong gobyerno lang. Napakasimple lang po ang gawin natin, magsuot ng facemask, face shield, social distancing etc. Pero ano?!
Mga kababayan, we are the co-workers of the government…let us do our role.
Sige, assuming binuwag ang IATF…sa tingin n’yo kaya solve na ang problema sa pandemic? Wala nang mahahawaan? Mawawala na rin ba ang CoVid?
Hindi ko kinakampihan ang IATF, ang akin lang ay magtulungan tayong lahat. Partner tayo ng IATF! Co-workers tayo ng pamahalaan.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan