ILANG jeepney operators ang dumaraing at humihingi ng dialogue kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso dahil sa epekto sa kanila ng “Manila Non-Contact Apprehension.”
Kung dati, kapag natiketan ang driver, e sagot nila ang pagtubos ng kanilang lisensiya, ngayon sa ilalim ng non-contact apprehension, jeepney operators ang nananagot kapag nakuhaan sa CCTV camera ang driver na may violation.
Dahil ang yunit ng jeep ay nakapangalan sa jeepney operator natural na sa kanila bumabagsak ang sulat o bill ng violation mula sa Manila Traffic and Parking Bureau na pinamumunuan ni Director Dennis Viaje.
Sa ilalim ng non-contact apprehension, ang unang violation ay may multang P2,000; sa 2nd violation ay P3,000; at ang 3rd violation ay P3,000.
Lahat iyon ay sa jeepney operator bumabagsak, at makaaapekto sa kanila kapag nag-renew ng linya o prankisa.
Ang isa pa sa ipinagtataka ng mga driver at operator, ang violation ay naka-capture sa iisang CCTV camera na na nakakabit sa isang traffic light na pinatay ang digital counter.
Bakit nga ba hindi na nakikita ang digital counter sa intersection kung saan marami ang nagaganap na violations?
Naimbestigahan na kaya ito ng MTPB?
Sa haba ng panahon na walang biyahe ang mga jeepney, dahil sa lockdown, bilang tugon sa pananalasa ng pandemyang CoVid-19, malaking kabigatan ang ipinapataw na multa sa non-contact apprehension.
Sumulat na umano ang mga driver at operators kay Yorme noon pang 19 Pebrero 2021, pero hanggang ngayon ay wala pang tugon sa kanilang liham.
Sa palagay natin ay hindi pa nakararating kay Yorme ang liham ng jeepney drivers & operators, kasi kung nakarating na sa kanya, hindi tayo naniniwala na hindi sila kakausapin ng masipag na alkalde.
May mga pagkakataon pa nga na pinupuntahan ni Yorme ang mga nais makaipag-dialogue sa kanya.
Yorme, baka naman po, mapagbigyan ninyo ang hiling na dialogue ng mga driver at operators nang sa gayon ay malutas naman ang kanilang mga pag-aalala lalo ngayong may pandemya.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap