MISTERYO pa rin hanggang sa kasalukuyan para sa Bago City Police Station sa lalawigan ng Negros Occidental ang pagkamatay ng isang negosyanteng tinukoy na caretaker ng quarry, binaril sa naturang lungsod nitong Martes, 16 Marso.
Natagpuan ang biktimang kinilalang si Henie Maalat, Sr., 49 anyos, residente sa Brgy. Mandalagan, sa lungsod ng Bago, na walang buhay sa loob ng kanyang pick-up truck na nakaparada sa tabing kalsada sa Purok Valero, Brgy. Ma-ao dakong 3:40 pm, kamakalawa.
Ayon kay P/Maj. John Joel Batusbatusan, hepe ng Bago City police, may mga residenteng tumawag sa kanilang himpilan, nang makita ang kotseng nakaparada nang mahigit isang oras na gumagana ang makina, at may tama ng bala ng baril sa bintana.
Ani Batusbatusan, lumalabas sa paunang imbestigasyon na pauwi ang biktima sa kanyang bahay mula sa pagde-deliver ng petroloyo para sa mga sasakyan at mga equipment sa kanilang quarry site.
Dagdag niya, kinokompleto na ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang kanilang pagsisiyasat upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaslang.
Sa kaugnay na ulat, nabatid na ang Nissan Frontier, may plakang FGW 297 ay nakarehistro sa isang Atty. Rosselier “Jack” Robles Maalat, residente sa Burgos Extension, Reclamation Area, Bacolod City, may permiso sa operasyon ng quarry.
Si Atty. Maalat ay dating nagsilbing Director ng CENECO.