NAHAHARAP sa sapin-saping kaso ang isang mister matapos ireklamo ng pagmaltrato sa kanyang asawa na muntik na niyang patayin habang lango sa alak sa kanilang bahay sa bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 16 Marso.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Avelino Protacio, hepe ng Norzagaray Municipal Police Station (MPS), kinilala ang ang arestadong suspek na si Edgardo Lakandula, isang ex-convict sa kasong Robbery at residente sa Brgy. FVR, sa nasabing bayan.
Nahaharap si Lakandula sa kasong Attempted Parricide na may kaugnayan sa RA 9262 (Anti-Violence against Women and Their Children), BP 6 (Concealing Deadly Weapon) at paglabag sa RA 9165 (Dangerous Drug Act).
Ayon sa ulat, habang kargado ng alak at lasing na lasing ay kinuha ng suspek ang kanyang tirador at balang palaso, saka iniumang at iniulos sa kanyang misis na sa kabutihang palad ay nagmintis at tumama sa pader.
Nagmamadaling nakalabas ng bahay ang misis at nakahingi ng saklolo sa mga awtoridad na dagliang nagresponde na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek.
Matapos maaresto, nasamsam sa pag-iingat ng suspek ang limang matutulis na pana, kitchen knife, at dalawang sachets ng hinihinalang shabu.
Napag-alamang hindi lamang ito ang unang pagkakataon na pinana ng suspek ang kanyang maybahay kundi malimit gawin kapag nalalasing.
(MICKA BAUTISTA)