SINIMULAN nang ipatupad ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang isang-buwang curfew at liquor ban sa lalawigan sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng CoVid-19 sa bansa.
Sa Executive Order No. 8 Series of 2021, sinabi ni Fernando na ang curfew sa buong probinsiya ay mula 11:00 pm hanggang 4:00 am na nagsimula nitong Miyerkoles, 17 Marso, at magtatagal hanggang 17 Abril.
Hindi saklaw sa curfew ang mga indibidwal na nangangailangan ng mga serbisyong pang-emergency at mga manggagawang dokumentado.
Ipinagbabawal din ang pagbebenta, pagbiyahe, at pagkonsumo ng alak at iba pang inuming nakalalasing sa mga pampubliko at pribadong lugar hanggang 17 Abril.
Ipinag-utos ni Fernando na ibalik ang mga border quarantine checkpoint sa lalawigan upang masugpo ang pagkalat ng virus.
Anang gobernador, mahigpit na ipatutupad ang minimum health standards tulad ng pagsusuot ng facemask at face shield, hand hygiene, cough etiquette, at physical distancing.
Hiningi rin ni Fernando ang tulong ng law enforcement agencies sa pagpapatupad ng kautusan.
Muling tumaas ang mga kaso ng CoVid-19, na ayon sa Department of Health ay dala ng bagong coronavirus variants at maluwag na pagsunod sa health protocols.
Iniulat na may kabuuang 631,320 kaso ng CoVid-19, mayroong 560,736 recoveries, 12,848 fatalities at 57,736 active cases sa buong bansa.
(MICKA BAUTISTA)