SUGATAN ang isang babaeng empleyado nang bumangga at dumeretso sa loob ng isang banko ang isang sport utility vehicle (SUV) na Mitsubishi Montero sa EDSA, sa lungsod ng Quezon, nitong Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), dakong 8:05 am naganap ang insidente nang matapakan ng nagmamaneho na kinilalang si Dr. Esther Peralta ang accelerator ng kanyang sasakyan sa parking area ng Land Bank of the Philippines na matatagpuan sa northbound lane ng EDSA sa Brgy. Ramon Magsaysay.
Kinilala ang 44-anyos teller ng banko na si Aireem Marco, dinala sa East Avenue Medical Center.
Sa mga kuhang larawan sa pinangyarihan ng insidente, nabasag ng SUV ang glass wall ng banko na huminto sa harap ng teller counters ilang metro ang layo mula sa entrance ng Land Bank of the Philippines sa Congressional Ave.
Nabatid na nawasak din sa insidente ang isang ATM (automated teller machine).
Anang pulisya, sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting damage to property with physical injuries ang driver ng SUV.