ISINUGOD sa iba’t ibang pagamutan ang sampung indibidwal nang ararohin ng isang kotse nitong Miyerkoles ng hapon, sa Ermita, Maynila.
Sa ulat, 1:30 pm nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Taft Avenue hanggang Finance Road na umabot sa 15 sasakyan at motorsiklo ang napinsala.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Traffic Enforcement and Traffic Bureau, sinabing binalewala ng driver ng itim na Honda Sedan, may plakang THI 328 ang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau habang pinahihinto dahil sa paglabag sa trapiko.
Napag-alaman na nagpatuloy pa rin at pinaharurot ng suspek ang kanyang kotse kahit naka-red signal ang traffic light.
Sa kagustohang makatakas, inaararo ang ilan pang sasakyan kabilang ang mga motorsiklo.
Umabot ang habulan sa kanto ng Ayala Boulevard, kung saan naaresto ng mga awtoridad ang suspek.
Sa naunang impormasyon, mayroon umanong nasagi ang suspek sa bahagi ng Pedro Gil St., na kanya rin tinakasan hanggang makarating sa Taft Avenue kanto ng Finance Road.
Ayon sa Traffic Bureau, iniradyo sa kanila ang insidente nang may masaging tao ang suspek sa United Nations Ave., at T.M. Kalaw Drive.
Nagpasaklolo ang tropa ng traffic sa Bureau of Fire volunteers upang habulin ang suspek ngunit nagtanggka pa rin tumakas kaya naararo pa ang ibang sasakyan hanggang masukol sa gawi ng Ayala Boulevard.
Habang isinusulat ang balitang ito inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek at ng mga biktima na isinugod sa ospital upang lapatan ng kaukulang lunas.