TINANGGIHAN ng mga residente ng lalawigan ng Palawan ang mungkahing hatiin ito sa Palawan del Norte, Palawan del Sur, at Palawan Oriental.
Opisyal na inilabas ang resulta ng plebesito nitong Martes, 16 Marso.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez, nabilang ng Board of Canvassers ang may kabuuang 172,304 NO votes at 122,223 YES votes, na isang munisipalidad na lamang ang hindi nakukuhaan ng bilang ng boto.
Ani Jimenez, dahil sa kakulangan sa transportasyon, hindi nakarating kahapon ang resulta ng canvassing sa bayan ng Kalayaan na may 281 rehistradong botante.
Naghain umano ang Oppositor ng mosyon upang itigil ang pagbibilang dahil malaki at hindi na malalampasan ang lamang ng botong NO, na sinegundahan at hindi na kinontra ng Proponent.
Na-canvass ang mga boto ng 22 sa 23 munisipalidad ng lalawigan na may voter turnout na 60 porsiyento.