MABUTI naman ang naging desisyon ni Mayor Vico Sotto na sumailalim sa 14 na araw na quarantine kahit na lumabas siyang negative sa Covid test, matapos mamatay ang kanyang driver dahil sa Covid. Hindi mo nga naman masasabi. Marami ang negative sa mga unang test pero lumalabas na positibo makalipas ang ilang araw.
At sa panahong ito, hindi nga biro-biro ang Covid. Hindi ba’t sinasabi nilang may 98 variants na ng virus na nakita sa Pilipinas? Mukhang sa atin itinambak ang lahat ng variants ng virus.
Iyon ang dahilan kung bakit nagiging mas maingat ang iba. Si Mayor Isko Moreno halimbawa, dahil gusto niyang personal na mai-supervise ang mga ginagawang trabaho sa labas ng City Hall, nagdo-doube face mask na raw.
Si Congressw. Vilma Santos na kausap namin noong isang araw, nagsabing hindi na raw siya lumalabas talaga. Panay din ang paalala niya sa amin na huwag na ring lumabas kung hindi talagang kailangang kailangan.
“Hindi na bir-biro iyang Covid ha. Kaya nga maski na ang staff ko, iyong nasa Kongreso at humaharap sa maraming tao, talagang sinasabihan ko na basta may naramdamang kakaiba magpa-test na agad. At kung may meeting man kami, sila iyong naka-zoom,” pagkukuwento ni Ate Vi.
Marami pang ibang mga artista ang nagsabi sa amin na hindi na rin talaga sila lumalabas, tutal hindi naman talaga marami ang trabaho sa ngayon. At siguro mananatiling ganyan ang sitwasyon hanggang hindi nababakunahan sa mga pribadong tao, at hanggang sa dumating dito ang mas pinagkakattiwalaan nilang bakuna.
Iyong mga bakuna namang ginagamit natin sa ngayon, hindi puwede sa mga bata at mga senior citizen, at hindi rin proteksiyon laban sa mas maraming variants ng Covid na kumakalat ngayon.
Ang nakatutuwa nga lang sa mga nababalitaan natin, mas maraming gumagaling sa Covid kaysa namamatay. Kailangan pa rin natin ang seryoso at totohanang pag-iingat.
Nakakawalang gana na nga minsan maski ang manood ng TV kasi wala ka nang mapanood kungdi tungkol sa Covid. Buryong na nga tayo sa pinakamahabang lockdown sa buong mundo, wala ka pang mabungaran kundi balita tungkol sa Covid pa rin.
HATAWAN
ni Ed de Leon