SA HULING linggo ng Marso inaasahan na tataas ang bilang ng CoVid-19 infected makaraaang umabot sa 3,000 infected ang bilang kada araw nitong nakaraang linggo. Nakapangagamba hindi ba?
Very ironically nga ang ulat dahil kung kailan naman dumating ang regalong bakuna ng China government sa bansa, hayun lomobo ang bilang ng pasyenteng may CoVid-19.
Ops, wala po akong ibig sabihin ha, ang ‘ika ko ay kung kailan nandiyan na ang hinihintay nating bakuna at saka naman tumapang si “veerus.” Pagsubok nga naman talaga.
Bagamat, sinasabing kahit na nagpabakuna na ang isang tao ay mahahawaan pa rin. Lamang, ang advantage nito ay hindi aabot na maging malala ang kalagayan ng CoVid-19 infected kapag nabakunahan na.
Ngayon, wala pa ang sinasabing huling linggo ng Marso, nasa ikatlo pa lang tayo pero…ano na!? Nakatatakot dahil ang inasahang 5,000 kada araw ay dumating na. Noong Sabado, 13 Marso 2021 ay umabot na sa 5,600 ang infected.
Ang nakatatakot, inaasahan pang tataas daw ito kung…kung magpatuloy na maging pabaya ang nakararami. Dumami kasi ang bilang hindi lang dahil sa mga lumalabas na ‘anak’ ni COVID kung hindi dahil sa patuloy na katigasan ng marami lalo sa Metro Manila.
Kaya, ang huling prediksiyon kapag magpatuloy sa kapabayaan ang marami, aabot daw ito sa 8,000 kada araw sa huling linggo ng Marso o pagpasok ng Abril. Naku po! Lord maawa po kayo sa amin. Tulungan n’yo pa kami.
Hahayaan ba natin na aabot sa 8,000 kada araw ang infected? Siyempre, hindi at sa halip ay dapat mapababa natin ang kasalukuyang 5,000 na bilang ngayon. Kayo rin mga kababayan, kapag patuloy tayong magpabaya ay baka ‘ikandado’ uli ang bansa…kung hindi man ibalik sa ECQ lalo na ang Metro Manila ay baka MECQ. Marami na naman ang mawawalan ng pagkakakitaan o trabaho.
Para mapababa natin ang 5,000 o ang dati na less than 2,000, tulong-tulong tayong kalabanin ang CoVid-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa health protocols. Ano ba’t hirap ang maraming sumunod sa protocols.
Napakasimple lang naman, magsuot ng face mask at face shield, social distancing, maghugas ng kamay gamit ang sabon o alcohol at any hand sanitizer alcohol base, at iba pa. Mahirap ba gawin ‘yan? Nagawa nga natin noong unang pagdayo ng CoVid-19 sa bansa noong nakaraang Marso, kaya walang dahilan para hindi natin makayanang gawin ito.
Dahil nga sa nakaaalarma na ang pagdami – dahil na rin ito sa maluwag na pagbubukas sa bansa para sa ekonomiya daw, nagpatupad ng uniformed curfew hour sa Metro Manila. Metro Manila lang ha, ang titigas kasi ng ulo ng taga-MM. bagamat, hindi naman lahat kaya lang ang lugi rito ang matitino – ang mga sumusunod sa health protocols.
Pabor ang marami sa curfew… ‘ika nga nila, kung makabubuti ito ay bakit hindi. Tama! Ilan din bayan at lungsod sa Metro Manila ang nagpatupad ng liquor ban, isa na rito ang Kyusi.
Tamang desisyon iyan Madame Joy… ang dapat sa liquor ban ay uniformed din. Ipatupad sa buong Metro Manila ng liquor ban…at hindi lang hanggang Marso 30 o 15 days lang at sa halip, ang dapat ay hanggang okey na ang lahat. Kapag nabakunahan na ang majority ng Filipino ay doon na bawiin ang liquor ban. Wala naman mapapala sa alak ha, sayang lang ang pera riyan at nakasisira lang ng kalusugan. May nabalitaan na ba kayong lasenggong namatay sa alak na tinulungan ng mga gumagawa ng alak sa bansa? Mayroon siguro silang proyekto – baka feeding…feeding lang pero iyong sagutin ang hospitalization ng isang manginginom na naiospital dahil sa alak ay malabong mangyari iyan.
Kaya para mas mapabilis ang pagbaba ng mahawaan, dapat ipatupad uli ang liquor ban sa buong bansa at ito ay hanggang ang lahat ay nabakunahan na.
Yes, ipatupad ang nationwide liquor ban at curfew hour. Hindi lang CoVid-19 ang bababa kung hindi maging ang kriminalidad.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan