IPINAHAYAG ng alkalde ng lungsod ng Calapan, lalawigan ng Oriental Mindoro, nitong Sabado, 13 Marso, dapat managot si Philippine National Police chief P/Gen. Debold Sinas sa kanyang “reckless behavior” matapos labagin ang screening protocols habang positibo sa CoVid-19.
Sinabi ni Mayor Arnan Panaligan sa thread ng isang post sa opisyal na Facebook page ng lungsod ng Calapan na bigong sumunod si Sinas sa screening protocols na kailangang daanan ng mga bibiyahe patungo sa kanilang lalawigan.
“He should be made to answer and be held responsible for his reckless behavior,” pahayag ni Panaligan, sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page ng kanyang tanggapan bilang sagot sa tanong ng isang Mark Manato tungkol sa ginawang paglagpas ni Sinas sa screening protocols.
Nabatid, bago lumipad patungo sa kanilang lalawigan ay sumailalim muna sa CoVid-19 test si Sinas, at SOP (standard operating procedure) na mag-quarantine habang hinihintay ang resulta.
Dagdag ni Panaligan, ito ang hindi ginawa ni Sinas at hindi rin niya sinabi na hinihintay niya ang resulta ng test kaya pinayagan siyang makapasok sa lungsod.
Napag-alaman na hindi dumaan si Sinas sa pantalan ng Calapan kung saan iniisyu ang health clearance sa halip ay dumating sa pamamagitan ng helicopter bago tumungo sa PNP Regional Headquarters.
Nilabag ng hepe ng pambansang pulisya, na laging nakatatanggap ng kritisismo simula ng kanyang “mañanita” birthday party noong isang taon, ang mismong protocol na ipinatutupad ng pamahalaan sa gitna ng ipinaiiral na community quarantine sa bansa.
Ani Panaligan, nararapat na sawatain ng mga opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng Malacañang si Sinas.
Sa kasalukuyan, mayroong 13 aktibong kaso ang lungsod ng Calapan, kabilang sa pinakahuling tala ang isang 58-anyos lalaki mula sa Brgy. Sto. Niño.