SA OKTUBRE 1 hanggang 8, magsisimula na ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) para sa lahat ng mga tatakbong kandidato sa darating na pambansa at lokal na eleksiyon na nakatakda sa 9 May 2022.
Ang mainit na pinag-uusapan ngayon ay kung matutuloy ba ang kandidatura ni Davao City Mayor Sara “Inday” Duterte at kung sino ang kanyang kukuning ka-tandem bilang bise presidente.
Sa kabila ng urong-sulong na diskarte ni Sara kung tatakbo bilang pangulo, higit na inaabangan ay kung sino kina dating Senador Bongbong Marcos, Senator Manny Pacquiao, at Senator Bong Go ang pipiliin ng presidential daughter.
Kanya-kanyang gimik ang mga political handler ng tatlong nag-aambisyong maging bise presidente ni Sara, kaya kaagad namang pumutok sa mainstream at social media ang mga salitang SABONG o Sara-Bongbong, SAPAC o Sara-Pacquaio at SAGO o Sara-Go.
Marami ang nagsasabing malamang na si Bongbong ang piliin ni Sara, pero hindi naman pahuhuli si Manny at lalo na si Go na talaga namang matagal nang kakilala ng pamilyang Duterte.
Kung si Bongbong kasi ang magiging kandidatong bise, nakatitiyak na si Sara ng ‘solid north’ vote, samantalang si Manny naman, nakatitiyak si Sara ng masang boto dahil sa popularidad nito bilang boksingero.
Si Go naman, bagamat walang maipagmamalaking balon ng boto, nakasalig naman sa suporta ni Tatay Digong dahil sa matagal na paninilbihan bilang matapat na “mayordomo” ng pangulo.
Kaya nga, malamang si Go ang maging katambal ni Sara sa darating na 2022 presidential elections. Hindi mapahihindian ni Sara ang magiging kahilingan ng kanyang ama na kunin si Go bilang kandidatong vice president.
At kung sakaling matuloy ang tambalang SAGO, nasa desisyon naman nina Bongbong at Manny kung magagawa nilang banggain si Sara at tumakbo na rin sa pagkapangulo. Labo-labo ang mangyayari sa darating na eleksiyon dahil parehong kaalyado ni Tatay Digong sina Bongbong at Manny.
Kung tutuusin, mahinang klaseng kandidato si Go kung ikukumpara kina Bongbong at Manny. Pero malakas kay Tatay Digong si Go at malamang na siya ang kuning vice presidential candidate ni Sara.
Kayo, ano ang gusto n’yo: SABONG, SAPAC, SAGO o SAMAY na lang… Sara-Amay Bisaya sa 2022!
SIPAT
ni Mat Vicencio