HINDI lang dinisarmahan kundi tuluyang ipiniit ang isang bagong pulis sa lalawigan ng Aurora matapos mabaril at mapatay ang isang PDL (person deprived of liberty) nitong Sabado ng gabi, 6 Marso.
Ipinag-utos ni P/Col. Julius Lizardo, hepe ng Aurora PPO, na isailalim si Pat. Christian Torres, 27 anyos, sa restrictive custody sa himpilan ng pulisya ng bayan ng San Luis ayon sa direktiba ni B/Gen. Valeriano de Leon, direktor ng PRO3-PNP matapos ang insidente ng pamamaril kamakalawa ng gabi.
Sa ulat mula sa Camp Olivas, nagtungo si Torres sa harap ng selda na kinaroroonan ng biktima saka dinukot ang kanyang baril.
Anang imbestigador, sinimulang laruin ng suspek ang kanyang baril hanggang pumutok at tamaan ang isang inmate na kinilalang si Christian Gabral, 30 anyos, noon ay nanonood umano ng telebisyon.
Tinamaan si Gabral sa kanyang dibdib at idineklarang dead on arrival sa pagamutang pinagdalhan.
Nahaharap si Torres sa mga kasong kriminal at adminsitratibo.