SA KABILA ng mga batikos na lumalabas sa social and print media tungkol sa pagluwag ng Department of Foreign Affairs – Office of Consular Affairs (DFA-OCA) sa pagbibigay ng kanilang endorsements sa sandamakmak na Chinese nationals upang makapasok sa bansa, mukhang tuloy-tuloy pa rin sa kanilang ‘nadiskubreng’ raket ang DFA-OCA.
Kabi-kabila ang mga Chinese nationals na nagre-request ng sponsorship na ang makikita sa pasaporte ay 9(a) visa lamang.
Para sa mga hindi nakaaalam, ang 9(a) visa ay iniisyu para sa mga turista.
Alam naman ng lahat na hindi pa pinapayagan ang pagpasok ng mga turista sa bansa ngayong panahon ng pandemic.
Sa totoo lang hindi natutuwa ang mga opisyal ng BI Port Operations Division (POD) sa nangyayari dahil ang immigration officers sa airport ay hindi kombinsido na potential investors ang nasa harapan ng counters nila tuwing dumaraan for assessment.
Ito ang pilit pinalalabas na dahilan ng DFA-OCA sa pagbibigay nila ng endorsements or exemptions para payagang makapasok ang Chinese tourists sa ating bansa.
Wala rin nakaaalam kung ‘legit’ ba o baka non-existent ang mga kompanyang tumatayong sponsors.
Sa ngayon ay wala silang magawa kundi payagan ang karamihan sa mga inendoso ng DFA-OCA dahil bitbit nila ang requests for exemptions na ipinamumukha sa kanila.
Ano naman kaya ang say ng opisina ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra tungkol dito?
Magsasawalang-kibo na lang kaya siya sa mga obserbasyon ng kanyang mga tauhan sa airport?
Ngayong nasa ‘beast mode’ na ulit si Senador Risa Hontiveros na busalsalin ‘este bulatlatin ang anomalya sa pagdagsa ng Chinese nationals sa bansa. Sabi nga ng Senadora, gaya ng CoVid-19 UK variant, ‘nag-mutate’ na rin ang ‘pastillas modus’ sa panibagong anyo.
‘Yan dapat ang busisiin ni Senadora Risa, ang sandamakmak na endorsement ng kapwa mambabatas niya at politiko para mabigyan ng visa ang mmga mainlander Chinese.
Inaasahan din na muli na namang makatitikim ng ‘sisi’ at ‘sermon overload’ ang mga opisyal sa airport dahil sa pagdating ng mga nasabing Intsik.
Magiging katanggap-tanggap ba kay SOJ Guevarra na ang ahensiya na nasa ilalim ng kanyang Kagawaran ang pagbuntunan ng sisi?!
Tama ang suggestion ng ilang eksperto na buwagin na ang itinayong Inter-Agency Task Force dahil hindi ito epektibo!
Nang sa gayon ay bumalik sa dating proseso sa Immigration na walang ibang pagbabasehan o magdidikta sa mga primary and secondary officers sa airport kung sino ang dapat at hindi dapat na papasukin sa bansa.
Itigil na ‘yang pag-iisyu ng DFA-OCA sa endorsements at exemptions na ‘yan na ginagawang sideline umano ng ilang mambabatas maging ng ilang politiko!
Konting hiya naman!
Pati ba ‘yan papatusin n’yo pa!?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap