HINILING kahapon ni Senadora Risa Hontiveros sa National Security Council (NSC) na agad magsagawa ng security audit sa China-owned Dito Telecommunity Corporation bago ang commercial rollout nito sa 8 Marso 2021.
“Hindi pa nareresolba ang mga pangamba natin sa Dito telco. Habang patuloy ang pambu-bully ng Tsina sa West Philippine Sea sa gitna ng pandemya, nag-roll out naman tayo ng red carpet para sa isang kompanyang direktang nagre-report sa gobyerno ng Tsina. This is worrying. NSC should execute a security audit for Dito. It’s the least it can do,” pahayag ni Hontiveros.
Ayon sa senadora, dapat din kumuha ang NSC ng isang independent security auditor na katulad sa kung paano isinagawa ng National Telecommunications Commission (NTC) ang technical audit sa Dito.
Noong Lunes, 22 Pebrero, inianunsiyo ng NTC na pumasa ang third telco player sa bansa sa unang technical audit nito.
“Kung nagkaroon ng technical audit, dapat may security audit din. Knowing that Dito is safe from China’s incursions is as vital as knowing Dito’s technical capabilities,” ani Hontiveros.
Iginiit niya, ang ChinaTel, na may 40% stake sa Dito, ay 100% na pag-aari ng Chinese state.
Sa Senate hearing sa prangkisa ng Dito noong nakaraang Disyembre, inamin ng NSC na wala silang cyberdefense doctrine kontra cyberattacks.
Nauna nang kinuwestiyon ni Hontiveros ang pagkakaloob ng prangkisa sa Dito gayong walang maaasahang cyberdefense ang bansa.
Tinukoy rin ng senadora ang China-based hacking group na may code name na “Naikon” na nag-eespiya umano sa mga gobyerno sa Asia Pacific, kabilang ang Filipinas.
“Nakababahala na wala palang konkretong estratehiya ang NSC sa usapin ng cybersecurity. China can easily take advantage of this. Sinasakop na nila ang ating karagatan nang harap-harapan. Nothing is stopping it from doing the same to our data,” sabi ng senadora.
“Not unless China finally respects and honors that our territories in the WPS are ours and ours alone, every other business negotiation it has in our country will remain suspicious. Panindigan natin ang laban na ito. Kung hindi, ang Filipino lang ang talo,” dagdag ni Hontiveros.