INUTUSAN ni Senator Risa Hontiveros ang National Bureau of Investigation (NBI) na tukuyin ang mga travel agency na hinihinalang sangkot sa bagong ‘pastillas’ scheme sa Bureau of Immigration (BI) na nagpapahintulot makapasok nang walang kahirap-hirap ang mga Chinese nationals sa bansa kapalit ng pera.
Ani Hontiveros, matagal nang kasabwat ang mga travel agency sa korupsiyon sa BI sa pagpapahintulot ng ilegal na pagpasok ng Chinese nationals sa bansa.
Sa ulat, isinumbong din sa senadora ang ‘raket’ ng mga travel agency na male-maletang passports at iba pang dokumento ng Chinese nationals na kanilang pinapapasok sa bansa.
Aniya, sa kabila ng pandemya ay patuloy pa rin ang pang-aabuso ng mga sangkot na travel agency at mga tauhan ng BI.
Ito ay matapos magkasa ang NBI ng entrapment operation noong isang linggo sa loob ng tanggapan ng BI at dakpin si Vivian Lara, isang liaison officer na huli sa aktong tumanggap ng P900,000 upang maiproseso ang pagpasok ng tatlong Chinese nationals sa bansa na nabatid na mga kliyente ng travel agency.
Muling nanawagan si Hontiveros na dapat i-overhaul ang ahensiya.
Dagdag ng Senador, mayroong mga Chinese national na may criminal record ang nakapapasok sa bansa dahil sa sabwatan ng mga travel agency at ilang tiwaling tauhan ng BI.
Samantala, ipinag-utos ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang pagbuo ng fact-finding committee na mag-iimbestiga sa insidente.
Ipinagbabawal na ang pagpapasok kay Lara sa tanggapan ng BI at suspendido ang akreditasyon ng Calalang Law Office, na nag-empleyo kay Lara.
Tinitingnan umano ng hepe ng BI na hinihinalang may paglabag sa security protocols dahil nakapapasok si Lara sa loob ng tanggapan kahit paso na ang kanyang ID at paggamit niya ng tanggapan ng gobyerno sa kanyang mga transaksiyon.
Ani Morente, nakikipagtulungan sila sa NBI upang matukoy kung may mga mga kasabwat sa loob ng kawanihan, at upang palakasin ang kanilang mga protocol na pipigil sa mga ‘fixer’ sa pangingikil sa mga banyaga.
Matatandaang isiniwalat ang ‘pastillas’ scheme sa imbestigasyon ng Senado na pinamumunuan ni Hontiveros noong 2020.
Natuklasan sa ‘raket’ na ito, tumanggap ang mga immigration officer ng ‘grease money’ na nakabilot sa papel na parang pastillas, upang hindi na busisiin ang mga Chinese national sa passport checks.
Nasuspendi ang hindi bababa sa 44 Immigration officers dahil dito at naisampa na rin ang pangalawang reklamo laban sa 86 iba pang empleyado ng BI.
Ayon kay Hontiveros, tahasan at direktang banta ito sa pambansang seguridad lalo na’t napatunayan nang mga mga sindikato ng mga Chinese national ang sangkot sa pang-aabuso sa mga kababaihan at mga kabataan, bukod sa iba pang mga krimen.
Patuloy niya, dahil sa mga pekeng passport at mga dokumento na ilegal na iprinoseso ng mga kasabwat na travel agency kaya nakapapasok ang mga Chinese national sa bansa.
Muli rin nanawagan ang Senadora na permanenteng ibasura ang Visa Upon Arrival (VUA) system para sa mga Chinese nationals, na ginagamit ng karamihan sa mga sindikato para ilegal na magpasok ng mga kababaihan sa bansa.
Makapapasok lamang dapat sa bansa ang mga bisitang Chinese national sa pamamagitan ng mga channel na iminomonitor ng Department of Foreign Affairs.
Pinapayagan ang visa upon arrival sa mga turistang Chinese na na-screen ng Department of Tourism -accredited tour operators sa China na inaprobahan ng BI.
Pansamantalang suspendido ang VUA dahil sa pandemyang CoVid-19.
Pagtatapos ni Hontiveros, nararapat na ibasura ang VUA, tanggalin sa puwesto ang mga bulok na opisyal ng BI, at papanagutin ang mga sangkot na travel agency.