NAGKAISA nga raw sa ngayon ang magkalabang sina Vivian Velez at Liza Diño, na namumuno ng Film Academy of the Philipines at FDCP dahil sa kanilang panawagan na alisin na ang amusement tax na ipinapataw sa mga pelikulang Filipino. Kung iisipin, malaki na ang natapyas diyan sa amusement tax. Dati ay 30% iyan, at ngayon ibinaba na nga sa 10%. Iyan nga lang inaangalan na ng mga LGU.
Kung aalisin ang amusement tax, mawawalan na rin ng silbi ang MMFF sa industriya ng pelikula dahil ang nakukuhang rebate ng industriya at ibinibigay sa Mowelfund, FAP at iba pang beneficiaries ng festival ay mula sa amusement tax. Itong nakaraang taon ewan nga kung may nakuha pa sila, dahil bukod sa bagsak ang festival, wala namang amusement tax dahil sa internet lang sila ipinalabas at wala namang sinehan.
Pero ang nakikita naming malakas na oposisyon diyan ay manggagaling sa mga local government units, at saka sa totoo lang kailangan ng gobyerno ngayon ng pondo dahil ubos na ang budget at marami pang utang.
HATAWAN
ni Ed de Leon