SA GITNA ng pananalasa ng bagyong Auring, umapaw ang Tandag River na umaagos sa kahabaan ng lungsod, sa lalawigan ng Surigao del Sur, na naging sanhi ng matinding pagbahang nagpalubog sa daan-daang kabahayan nitong Linggo ng madaling araw hanggang hapon, 21 Pebrero.
Umabot sa taas na hanggang leeg ng tao ang baha sa mabababang lugar dahilan upang magsilikas ang mga residente patungo sa evacuation centers kung saan sila mas ligtas.
Samantala, abot hanggang tuhod ang taas ng baha sa mas matataas na lugar.
Nagdala ang rumaragasang baha ng malaking bilang ng debris, kabilang ang mga troso na naipon at natambak sa isang tulay malapit sa bukana ng ilog.
Samantala, sa bayan ng Jabonga, lalawigan ng Agusan del Norte, inabisohan ng municipal disaster risk reduction and management office (MDRRMO) ang mga motorista na hindi madaraanan ang bahagi ng national highway sa pagitan ng mga barangay ng Colorado at Magsaysay lalo ang maliliit na sasakyan.
Hanggang tanghali kahapon, halos lumubog ang national highway patungo sa bayan ng San Miguel, sa lalawigan ng Surigao del Sur.
Naiulat din ang mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mga bayan ng Lanuza at Marihatag, sa naturang lalawigan.