NAMATAY ang isang pulis, habang sugatan ang apat niyang kasamahan nang sumabog ang gulong ng sinasakyan nilang police mobile at ararohin ang tatlong iba pang sasakyan sa Brgy. Sinsayon, lungsod ng Santiago, lalawigan ng Isabela, nitong Sabado ng hapon, 20 Pebrero.
Kinilala ang namatay na biktimang si Patrolman Archelle Duldulao na tumilapon mula sa kanilang sasakyan at nasagasaan ng paparating na isa pang sasakyan.
Sumalpok ang police mobile sa konkretong bakod ng Villa Ceferina Subdivision, na naging dahilan ng pagkakasugat ng driver na kinilalang si P/Cpl. Berna Austria, at mga pasaherong sina Patrolmen Pauline Carlos at Riza Mae Laureta, at P/Cpl. Kacelyn Tarayao — pawang mga miyembro ng City Mobile Force Company (CMFC) ng Santiago City Police Office.
Sangkot sa karambola ng mga sasakyan sa naturang highway ang isang Isuzu MUX SUV na minamaneho ni Liza Santos-Pua ng bayan ng Alicia, atungong lungsod ng Santiago; isang tricycle na minamaneho ni John Eduard Molina ng Brgy. Turod Sur, sa bayan ng Cordon, at isang motorsiklong minamaneho ni Ivan Ray Sal, mula rin sa bayan ng Turod Sur.