KAMAKAILAN lamang, sa botong 21-0, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No.1995 o LPG Act na naglalayong magtatag ng Cylinder Improvement Program na titiyak na mahihinto sa mga pamilihan ang bentahan ng mga depektibo at pekeng LPG.
Mukhang nakalampag ang Senado. Ibinunyag kasi kamakailan ni Senator Grace Poe ang mga nagkalat na peke at depektibong LPG sa merkado, kaya’t mabilis namang inaksiyonan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang nasabing panukala.
Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, principal author ng bill, kailangang siguruhin na may pamantayan ang industriya ng LPG at mabigyan ng proteksiyon ang mga mamimili lalo ang kaligtasan ng bawat consumer at maparusahan ang mga tiwaling negosyante ng LPG.
Kung tutuusin, matagal nang problema ang mga depektibo at pekeng LPG na ginagamit ng taongbayan. Walang alam ang mga consumer kung ang kanilang ginagamit na LPG ay ligtas gamitin o maaaring magdulot ng kapahamakan sa kanilang pamilya.
Wala rin kalaban-laban ang mga mamimili kung magtaas man ng presyo ang LPG dahil sa sinasabing deregulated na ang produktong petrolyo at mismong ang nagdidikta ng halaga ay ang mga banyagang korporasyon ng langis at sumusunod naman ang mga lokal na negosyante.
Pero ito nga ang problema, aano naman masisiguro ng taongbayan kung walang ginagawang hokus-pokus ang mga lokal na negosyante ng langis at hindi sila mapagsasamantalahan.
Kaya nga, medyo napikon si Poe at pinagsabihan ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Energy (DOE) na kumilos para mabigyan ng solusyon ang pang-aabusong ginagawa ng mga tiwaling negosyante ng LPG at mabigyan din ng solusyon ang patuloy na pagtaas ng presyo nito.
Ang masakit, pagpasok pa lang ng 2021 kaagad na nagtaas ang mga negosyante ng LPG at sinundan ngayong buwan ng Pebrero ng panibagong pagtaas. Ngayon ay umaabot na sa P700 hanggang P800 ang presyo ng bawat 11-kilogram tangke ng LPG.
Dapat makialam na rito si Tatay Digong at kaagad gumawa ng aksiyon kung paano mareresolba ang malaking problema sa LPG dahil ito mismo ang pang-araw-araw na ginagamit ng publiko.
Kaya panawagan ng dalawang senador, sana ay maging ganap na batas ang nasabing panukala para maibsan ang paghihirap ng taongbayan dahil tila walang pakialam dito si Tatay Digong.
SIPAT
ni Mat Vicencio