LIMA katao ang namatay habang limang iba pa ang nasugatan sa sunog na tumupok sa tinatayang 300 bahay sa Area F, Gate 20, Parola Compound, Tondo, Maynila.
Nabatid na ang mga namatay na biktima ay kinabibilangan ng ama at apat na anak na lalaki, kinilalang sina Jake Loyola, 37 anyos, ama, at may-ari ng bahay; mga anak na sina Noah Loyola, 3 anyos; Kiefer Loyola, 8; at ang dalawang anak ng kanyang kinakasama na sina Jeric Tigas, 12 anyos; at Richard Tigas, 10 anyos.
Sugatan sina Cyrus Frank, 9 anyos, 2nd degree burn; Sonny Boy Jovita, 23; Rea Adriatico, 37; Rodulfo Cadigal Jr., 44 anyos; at Marbin Alperes.
Sa ulat, nagsimula ang sunog 11:53 pm nitong Sabado sa ikalawang palapag ng bahay ng mga Loyola na umabot sa 4th alarm na naideklarang fireout dakong 6:11 am, kahapon, araw ng Linggo.
Nahirapan ang mga pamatay-sunog na puksain ang apoy dahil pawang yari sa light materials at dikit-dikit ang mga bahay.
Nakulong sa loob ng nasusunog na tahanan ang mga biktima na natagpuang bangkay sa loob ng kanilang palikuran.
Napaulat na may mga residenteng nang-agaw ng hose mula sa mga bombero upang masigurong unang mabobombahan ng tubig ang kanilang tahanan.
Napilitan rin ang ilang bombero na lumabas muna ng compound nang magkagulo at mapaulat na may mga residente pang nanaksak ng fire volunteer na si alyas Ronald.
Nawalan ng tirahan ang nasa 600 pamilya dahil sa sunog.
Tinatayang aabot sa P3 milyon ang pinsala ng sunog.
Nagsasagawa g imbestigasyon ang mga awtoridad sa insidente.