IMINUNGKAHI ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng sertipikasyon at gawing prayoridad ang pag-amyenda sa Anti-Trafficking in Persons Act upang palakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa Online Sexual Exploitation of Children (OSEC).
Sa paggunita ng National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation, sinabi ni SOJ Guevarra, isinumite nila sa Pangulo ang kanilang rekomendasyon para sa suportang gagawin ng pamahalaan sa OSEC.
Isa na nga rito ang pag-amyenda sa batas na nauukol sa Anti-Trafficking in Persons Act na magbibigay ng ‘exemption’ sa mga probisyon ng “Anti-Wire Tapping Law.”
Inihahanda ng DOJ ang pagsusumite ng isang executive order na pipirmahan ni Pangulong Duterte para gawing mas matibay ang koordinasyon sa pagitan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at ng Inter-Agency Council Against Child Pornography (IACACP).
Sa kasalukuyan, ang IACAT ay pinamumunuan ni DOJ Secretary Menardo Guevarra habang ang IACACP ay nasa pangangalaga ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Joselito Bautista.
Kasama sa plano ni Guevarra ang pagdaragdag ng kanilang tauhan at bigyan ng sapat na pondo para suportahan ang IACAT.
Isinangguni ng DOJ sa Pangulo na pagkalooban ng kapangyarihang magpataw ng parusa ang National Telecommunications Commission sa mga Internet Service Providers (ISP) na hindi makatutupad sa kanilang tungkulin na sundin ang mga probisyon ng Republic Act 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009.
Sa ilalim ng RA 9775, sinasabi na ang mga ISP ay may tungkulin na ipagbigay-alam sa Philippine National Police (PNP) o sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga makukuha nitong impormasyon sa kanilang servers tungkol sa child pornography. Ito ay tatagal o may bisa lamang na pitong araw mula sa pagkalap ng kanilang impormasyon na isusumite sa nabanggit na dalawang law enforcement agencies.
Kinakailangang sapat at sariwa ang mga ebidensiyang gagamitin para sa imbestigasyon at prosekusyon.
Sa mga darating na araw ay aabangan natin ang mga kaganapan kung swak ba ito kay Pangulong Digong!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap