NALAGAY sa balag ng alanganin ang isang mataas na opisyal ng PNP Aviation Security Group at iba pang opisyal nito matapos magpositibo sa nakahahawang CoVid-19, ilang araw nang magsagawa ng Command conference sa Clark International Airport (CIA) lalawigan ng Pampanga.
Ayon sa isang reliable source, dinala agad sa Asian Hospital sa Alabang, Muntinlupa City ang Director General ng PNP – Avsegroup na si BGen. Florencio Teodosio Ortilla matapos malaman mula sa resulta ng swab testing na positibo sa CoVid-19.
Si Ortilla ay nasa mabuti nang kalagayan habang ang kalahating porsiyento na nakasama sa 30 Avsegroup personnel ay patuloy na inoobserbahan ng mga doktor sa ilang quarantine facilities.
Sa impormasyon, kamakailan ay isinalin sa kapangyarihan ng pamumuan ng Philippine National Police (PNP) ang pagtatalaga kay Ortilla bilang pinuno ng Avsegroup at makalipas ang ilang araw ay nagsagawa ng occular inspection sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals.
Kasunod nito, nagtungo ang butihing heneral kasama ang ilang opisyal sa CIA Pampanga upang dumalo sa isang command conference ukol sa kaligtasan at seguridad sa panahon ng pandemya.
Pagbalik ni Ortilla sa Maynila, dito niya nalaman na positibo siya sa CoVid-19 gayon man, hindi mabatid kung saan siya nahawa ng nasabing sakit.
Nagsasagawa ngayon ng contact-tracing ang PNP-Avsegroup mula sa kanilang hanay kaya’t posibleng pansamantalang mag-lockdown ang ilang himpilan ng yunit pulisya.