NABASURA ang pelikula ni Judy Ann Santos sa Oscars na siyang ipinadala nating nominee para sa foreign language film category. Hindi tayo kailangang magpilit sa ganyan eh, dahil hindi tayo handa. Wala talaga tayong laban sa kalidad ng ibang mga pelikula.
Isipin ninyo, ang puhunan nila sa mga pelikula nila ay daang milyon ang halaga, iyong pelikula ni Juday ay isang indie, na kahit na rito sa atin barya lang halos ang puhunan diyan. Paano namang lalaban iyan sa mga high budget movies?
Hindi lang parang “David and Goliath” ang laban na iyan. Parang Taciong Tangkad na inilaban mo kay Godzilla. Ano ang laban niyon? Pero sinasabi nga nila, minsan ay may tsamba. Aasa na tayo sa tsamba eh sa tuwing sumasali tayo sa ganyan eh malaking gastos din naman, at wala namang kitang maaaring asahan.
Hindi ba may panahon pang kumuha tayo ng isang American PR firm para lang mai-promote ang ating pelikula roon? May nangyari ba? Eh dito nga ang promo nila dinadaan na lang nila sa Facebook para walang gastos. Wala ngang kautak-utak ang publisidad ng mga pelikula na sa Facebook lang ang promo, ano ang aasahan ninyo sa abroad? Dito nga hindi maipalabas sa sinehan iyang mga indie at pito-pito, doon pa ba?
HATAWAN
ni Ed de Leon