BINAWIAN ng buhay ang dalawang bata nitong Biyernes, 12 Pebrero, habang nasa kritikal na kondisyon ang kanilang ama sa bayan ng Sta. Ana, sa lalawigan ng Cagayan, matapos malason sa kinaing ‘kuret,’ isang uri ng alimasag na makikita sa coral reefs.
Hindi nailigtas ng mga manggagamot ang magkapatid na sina Reign Clark Cuabo, 5 anyos, at Macniel Craigs Cuabo, 2 anyos.
Ayon kay Brgy. Tangatan chairman Isabelo Cariño, nanguha umano ang amang si Eugenio Cuabo, Sr., ng mga ‘kuret’ na inulam ng kanilang pamilyang may anim na miyembro.
Ilang sandali matapos kumain, inireklamo ng mga bata ang nararamdamang pamamanhid ng katawan saka dinala sa pagamutan ngunit hindi na sila nailigtas, samantala nananatiling kritikal ang kondisyon ng kanilang ama.
Ani Cuabo, kalimitang inuulam ang ‘kuret’ ng mga residente sa kanilang barangay ngunit noong 1980 pa ang huling naitalang pagkalason sanhi ng nasabing uri ng alimasag.
Kumuha ng mga sample ng ‘kuret’ ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources upang masuri sa kanilang laboratory.