HATAW News Team
PINAGHAHANAP ngayon si Konsehal Alexander Mangasar ng Caloocan City matapos lumabas ang warrant of arrest na inisyu ng Caloocan RTC Branch 126 para sa kasong tax evasion na isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ng Department of Justice (DOJ).
Si Mangasar ay may pagkakautang sa BIR na nagkakahalaga ng kabuuang P8,385,754.94, na nahahati sa P6,969,750.82 income tax at P1,416,004.12 value added tax, kasama ang penalty at interest, na hindi nabayaran ng kanyang kompanyang Xander Marketing noong taong 2011.
Inilabas ni Acting Presiding Judge Misael Ladaga noong Lunes, 8 Pebrero ngayong taon, ang warrant of arrest.
Itinakda ni Ladaga ang bailbond sa P60,000 para sa pansamantalang kalayaan ni Mangasar.
Ang reklamong tax evasion ay isinampa nina revenue officers Marilyn Alonzo, Teresita Origen, at John Daniel Cruz nang paulit-ulit na binalewala ni Mangasar ang kanilang demand na bayaran ang orihinal na mahigit P1.3 milyon na pagkakautang ng Xander Marketing sa BIR.
Si Mangasar ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 255, Chapter 2 ng National Internal Revenue Code of the Philippines (NIRC).
Unang inimbestigahan ang Xander Marketing noon pang 2013. Sa kabila ng paulit ulit na demand ng BIR-Caloocan na kanyang bayaran ang pagkakautang ng kanyang kompanya, hindi ito pinansin ni Mangasar.
Pormal na isinampa ng Caloocan City Prosecutor’s Office ang reklamo sa DOJ noong 2019.
Si Mangasar ay kilalang kaalyado sa politika ni Rep. Egay Erice mula sa ika-2 Distrito ng lungsod.
Tikom nag bibig ni Mangasar at hanggang sa kasalukuyan ay hindi ‘napaparamdam’ maging sa kanyang social media account.