NAG-IWAN ng pinsala sa mga impraestrukturang tinatayang nagkakahalaga ng P10 milyon ang sunog na tumupok sa government compound ng bayan ng Pinamalayan, sa lalawigan ng Oriental Mindoro nitong Martes ng umaga, 9 Pebrero.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong 2:30 am sa tanggapan ng municipal treasurer sa lumang dalawang-palapag na gusali.
Inilinaw ni Senior Fire Officer 4 Benjamin Navarro, hepe ng Pinamalayan BFP, kontrolado na ang sunog bandang 5:20 am at tuluyanag naapula dakong 8:10 am.
Nahirapan ang mga nagrespondeng bombero sa pagpatay ng sunog sa unang palapag ng gusali dahil doon nakalagak ang mga dokumentong papel sa ikalawang palapag ng gusaling gawa sa kahoy.
Iniulat ng Municipal Risk Reduction Management Council na nailigtas ang mahahalagang dokumento gaya ng tax declaration at mga titulo ng lupa sa assessor’s office; ang database ng mga record sa Municipal Treasury Office; at mahahalagang record sa Engineering Office at Department of Trade and Industry.
Samantala, mayroong back-up na kopya ang mga dokumentong nasunog sa Bids and Awards Committee office.
Pansamantalang ililipat ang mga tanggapan ng mga sangay na apektado ng sunog.