NANAWAGAN si Senator Grace Poe sa pamunuan ng Department of Energy (DOE) na kagyat na gumawa ng aksiyon laban sa mga tiwaling negosyante na nagbebenta ng ‘pekeng’ liquefied petroleum gas (LPG) na kalimitan ay maliliit na mamimili ang nabibiktima.
Ayon kay Poe, naglipana sa merkado ang mga depektibong tangke ng LPG at walang pakialam ang mga negosyante kung anong kapahamakan ang maaaring mangyari sa consumers o pamilya na gumagamit ng kanilang ipinagbibiling produkto.
“Maraming reklamong nakararating sa aming opisina… kung minsan kalawangin daw at madalas malabo o walang brand ang LPG na kanilang nabibili. Ang masakit nito, kulang ang timbang at kulang sa 11 kilo ang nabibili nilang LPG,” pahayag ni Poe.
Sinabi ni Poe, kailangang maging maingat at mapanuri ang consumers, at siguruhing maayos ang kanilang binibiling LPG tulad ng pagkakaroon ng tamang safety cap seal na may serial number na nakakabit sa bawat cylinder at mayroong dapat iniisyung official receipt.
Idinagdag ni Poe, bukod sa DOE, kailangang kumilos din ang Department of Trade and Industry (DTI) para imbestigahan ang ginagawang panloloko ng mga salbaheng negosyante sa kanilang mga mamimili.
Kasabay nito, hiniling ni Poe sa DOE na mabilisang solusyonan ang problema sa patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG na halos hindi na makayanan ng simpleng mga mamimili dahil na rin sa mahirap na kalagayang dulot ng pandemya.
“Saan pa pupunta ang mga kababayan nating mahihirap? Halos lahat ng presyo ng mga bilihin ay tumaas na at sumabay pa itong LPG. Dapat mayroong solusyong gawin ang DOE, kawawa naman ang mahihirap nating kababayan,” sabi ni Poe.
Matatandaang dalawang beses nang itinaas ang presyo ng LPG simula nang pumasok ang buwan ng Enero at Pebrero, at marami ang nangangamba na tumaas pa ang presyo nito sa mga susunod na linggo.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng Petron Gasul ay umabot na sa P820 ang bawat 11 kilo ng tangke. Ang Solane ay P837; Phoenix Super LPG, P782; Fiesta Gas, P765; at P760 naman ang presyo ng Regasco.