Arestado ang walong hinihinalang mga tulak ng ipinagbabawal na gamot at apat na nagtatago sa batas sa drug bust at manhunt operations na isinagawa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang kahapon ng umaga, 8 Pebrero.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ikinasa ang serye ng anti-illegal drug operations ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bustos, Sta. Maria, Norzagaray, Angat, Marilao, at Paombong municipal police stations.
Kinilala ang walong drug suspects na sina Jericho Villanueva mula sa Brgy. San Pedro, bayan ng Bustos; Jomar Dabalos ng Brgy. Mag-asawang Sapa, bayan ng Santa Maria; Richelle Maningas at Barbie Macay ng Brgy. Muzon, lungsod ng San Jose Del Monte; Cipriano Nepomuceno, Jr., at Marvin Nobe ng Brgy. Lambakin, bayan ng Marilao; Arcie Enriquez ng Brgy. San Isidro 1, bayan ng Paombong; at isang hindi pinangalanan mula sa Brgy. Tigbe, bayan ng Norzagaray.
Nakompiska mula sa kanila ang 18 plastic sachets ng hinihinalang shabu, 31 plastic sachets ng marijuana, buy bust money, dalawang cellphone; at isang Rusi motorcycle.
Dinala ang mga nadakip na suspek at nakompiskang mga ebidensiya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa kaukulang pagsusuri habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Drug Act of 2002 laban sa mga suspek.
Samantala, arestado rin ang apat na wanted persons na tinutugis ng tracker teams ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Plaridel at Marilao Municipal Police Stations (MPS) sa bisa ng iba’t ibang warrants of arrest.
Kinilala ang wanted persons na sina Ariel de Jesus ng Brgy. Tabang, bayan ng Plaridel na may kasong Qualified Theft; Jessie Jose Soriano Jr., at Jocelyn Soriano, kapwa residente ng Deca Homes, Loma de Gato, bayan ng Marilao, na kapwa nadakip dahil sa paglabag sa BP 22; at Joven Masong ng Brgy. Gaya-Gaya, lungsod ng San Jose Del Monte, arestado sa kasong Robbery.
(MICKA BAUTISTA)